Neil Ryan Sese, dalawa ang serye sa Siyete

Neil Ryan Sese, dalawa ang serye sa Siyete

Neil-Ryan-SeseBONGGA PALA itong Neil Ryan Sese, ha! Sa May 11, dalawang programang magsisimula sa GMA 7 na kasali siya, ha!

Sa hapon, magsisimula ang Healing Hearts na matagal na kasing nagawa ‘yun.

Nu’ng nakaraang presscon, nandu’n siya sa AVP at mukhang malaki ang role. Pero mamatay rin yata sa kalagitnaan ng kuwento.

Pero kinagabihan, magsisimula na rin ang Let The Love Begin na kasali rin siya. Ang bongga, ha! Parang kinukulang tayo ng mga artistang lalaki niyan!

Sa Healing Hearts pala, ito ‘yung papalit sa timeslot ng Kailan Ba Tama ang Mali na napapanood pagkatapos ng Yagit.

In fairness, ang tagal na ng The Half Sisters at Yagit, nandiyan pa rin sila. Maganda kasi ang ratings at pataas nang pataas.

‘Yung Kailan Ba Tama ang Mali ang kailangang tapusin na dahil buntis na kasi si Empress Schuck. Kaya itong Healing Hearts na ang ipinalit. Ito naman ang pagbabalik ng loveteam nina Kristopher Martin at Joyce Ching.

Kinagabihan naman ay ang Let The Love Begin na papalit naman yata sa Second Chances.

Dito naman ilu-launch ang loveteam nina Ruru Madrid at Gabbi Garcia. Mukhang promising ang loveteam na ‘to at magaling silang umarte.

Ito rin ang unang programa ni Ai-Ai delas Alas sa pagbabalik niya sa Kapuso Network.

Sa totoo lang, mas inaabangan dito si Ai-Ai dahil dito mapatutunayan kung tama ang paglipat niya sa Kapuso Network.

Sabi naman ni Ai-Ai, wala na raw siyang kailangang patunayan pa. Ang gusto na lang daw niya ngayon ay ‘yung magtrabaho nang maayos na walang pressure, walang intriga. Kasi naman ‘yun na ang nararamdaman niya siguro sa pinanggalingan niyang network. ‘Yun na!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis