Nagli-live in pa rin daw Angelica Panganiban at Derek Ramsay, gimik lang ang hiwalayan?!

Nagli-live in pa rin daw Angelica Panganiban at Derek Ramsay, gimik lang ang hiwalayan?!

Nagli-live in pa rin daw Angelica Panganiban at Derek Ramsay, gimik lang ang hiwalayan?! MAHABA PA itong pagsubaybay natin sa gulo nina Mon Tulfo at ang mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto. Naging national issue na nga ito, ‘day!

Nag-file na ng kasong Physical Injuries at Rep. Act 7610 o Anti-Child Abuse Law sina Raymart at Claudine laban kay Mon Tulfo.

Pero may kasunod pa raw na kasong Grave Threats na isasampa naman niya laban sa magkapatid na Erwin, Raffy at Ben Tulfo.

Pag-uusapan pa raw nila ng kanyang abogado bago sila magdesisyon kung kailan nila isasampa ang kasong ‘yun.

Pero nasuspinde na nga ang Tulfo brothers dahil sa mga binitiwan nilang pagbabanta sa mag-asawang Raymart at Claudine.

Sinabi na rin ni Raymart na nararamdaman na raw nila ang pananakot na ‘yun, dahil may nakikita raw silang van na umaaligid sa bahay nila.

Kaya sabi nga niya, kung ano man daw ang mangyari sa kanila, alam na raw natin kung sino ang may kagagawan.

Pero sinabihan na rin daw ni Mon ang mga kapatid niya na maging mahinahon na at idaan na raw sa korte ang gulong ito.

Ganu’n din naman ang gusto nina Raymart, na ipaubaya na raw ito sa korte at huwag na raw sana idaan sa marahas na paraan.

Ang latest, unti-unti nang naglalabasan ang ilang witness na nagsasabi kung sino talaga ang unang nanakit.

Meron daw du’n na miyembro ng bandang Itchyworms na nakasaksi sa insidenteng ‘yun, at nakita raw nilang sina Raymart at mga kaibigan nito ang naunang nanakit kay Mon.

Pero meron ding lumabas na na-interview ng 24 Oras na nagsabing si Mon daw ang naunang nanakit kina Raymart at Claudine.

Magkaiba pa rin ang mga pahayag ng lumabas na witness. Pero ang tingin ko diyan, dapat magsalita na ‘yung ground stewardess na tinalakan ni Claudine at sabihin ang totoong nangyari. I’m sure, kaharap siya nu’ng nangyari ang gulong ‘yun, kaya dapat sabihin na niya ang totoo.

Bakit wala silang statement bukod lang du’n sa bagahe ng mag-asawa? Kung aakyat ang kasong ito sa korte, dapat na kuning witness ang ground stewardess na ‘yun.

Naku! Panoorin n’yo na lang sa Startalk ang latest na pangyayari kaugnay sa gulong ito.

 

ISA SA pinag-uusapan ngayon ay ang tungkol sa break-up nina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao, at ang cool-off naman daw ngayon sina Derek Ramsay at Angelica Panganiban.

Ang nakalap ko namang kuwento, hindi naman daw talaga nag-break sina Derek at Angelica.

May nagkuwento na nakikita pa rin daw sa condo unit ni Derek ang kotse ni Angelica.

Ang tsika pa nga, nagli-live in daw ang dalawa at mukhang wala naman daw hiwalayang nangyari dahil nakikita pa rin daw silang magkasama.

Hindi raw kaya gimmick lang ito para sa pelikula nina Angelica at Piolo Pascual? Naku, day! Posible ‘yan, kaya siguro hindi pinagsasalita si Angelica at baka mamaya mali-mali pa ang mga sasabihin nito.

Tingnan na lang natin pagkatapos ng showing ng pelikula nila ni Piolo, kung sila pa ring dalawa.

 

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis