Mommy Dionesia, humihirit ulit ng pelikula kay Direk Wenn Deramas! – Eddie Littlefield

Mommy Dionesia, humihirit ulit ng pelikula kay Direk Wenn Deramas! - Eddie LittlefieldMommy Dionesia, humihirit ulit ng pelikula kay Direk Wenn Deramas! - Eddie LittlefieldHINDI NA NAMIN ikinagulat na dalawang taon na palang divorced sina Robin Padilla at Liezel Sycangco. Nanahimik lang ang actor sa tunay na dahilan ng kanilang paghihiwalay. Sa batas ng Muslim (Sharia), hindi raw puwedeng pag-usapan ang pribadong buhay tungkol sa pagsasama ng mag-asawa kahit hiwalay na sila. Nangako naman ang action star na bibigyang-linaw niya ang ilang issue tungkol sa kanilang mag-asawa sa takdang panahon.

October 2008, nang magpakasal si Liezel sa bago niyang asawa at ngayon ay naninirahan sa Australia na kinumpirma mismo ni Robin. Naging maayos naman ang kanilang pag-uusap, twenty years din silang nagsama at may apat na anak.

Usap-usapan ngayon na si Iza Calzado raw diumano ang naging dahilan ng paghihiwalay nina Robin at Liezel. Pinagselosan daw si Iza nang matindi ng asawa ni Binoe nu’ng time na ginagawa nila ang Joaquin Burdado sa GMA-7. Palibhasa naging malapit sa isa’t isa bilang magkaibigan kaya binibigyang-kulay ang kanilang friendship.

Nagulat na lang si Iza nang malaman niyang siya raw ang itinuturong dahilan ng split-up nina Robin at Liezel. Knowing Iza, hindi siya ang tipo ng babaeng papatol sa taken na.

“Wala akong alam tungkol d’yan, shocked naman ako! Ngayon ko lang nalaman ang bagay na ‘yan. It’s not true, naging close lang kami ni Robin nu’ng time na may ginagawa kaming teleserye sa GMA. We’re friends, walang malisya ‘yung friendship namin ni Robin, close din ako sa mga anak niyang babae. Para lang kaming magbabarkada. ‘Pag lulumalabas kami kasama si Daddy dahil close siya kay Robin,” paliwanag ng magandang actress.

Hindi ba nila napag-usapan ni Binoe ang tungkol sa kanila ni Liezel? “It’s a private matter, hindi ako nagtatanong tungkol sa personal life ni Robin. Wala siyang binabanggit sa akin tungkol sa kanila ni Liezel. Hindi naman kasi siya masalita lalo na’t tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa family niya. At saka, that time may boyfriend ako, alam ninyo ‘yan at kilala ni Robin so, bakit napasok ang pangalan ko d’yan sa issue. Please lang, huwag naman akong intrigahin dahil wala akong kinalaman sa mga bagay na ‘yan,” pakiusap ni Iza.

Sa totoo lang, very much in love ngayon si Iza sa non-showbiz boyfriend na si King. Maligaya sa takbo ng kanyang career as an actress and product endorser. Oo nga naman.

FEELING SIKAT NA nga si Mommy Dionesia Pacquiao. Ibandera ba naman niya na kaya kumita ang pelikulang pinagsamahan nila nina Joseph Estrada at Ai-Ai delas Alas na Ang Tanging Pamilya ay dahil sa kanyang mga fans. Marami ang nairita sa naging pahayag ni Mommy D. Celebrity na nga raw ang drama ni Mommy D, kinausap niya si Direk Wenn Deramas kung puwedeng bigyan siya ng pelikula.

“Gusto ni Aling Dionesia, ipagpatuloy ang kanyang pag-aartista. Na mi-miss raw niya ‘yung nagsu-shooting siya, may make-up artist sa set na nagmi-make-up sa kanya at ‘yung pagharap niya sa camera. Gawa raw kami ng pelikula. Sabi ko, wala pong problema ‘yun basta kayo ang producer,” natatawang sabi ni Direk Wenn.

Sa isang okasyon nga, buong pagmamalaki raw na ipinakita ni Mommy D ang suot nitong alahas na worth 6 million na bigay sa kanya ni Pacman. Lahat nga raw ng mga gamit niya ay pulos signature na binili pa niya sa US. Lahat nga raw ng magustuhan niya binibili ng Pambansang Kamao. Buong pagyayabang na ipinakikita pa ni Aling Dionisia ang mga materyal na bagay na mayroon siya.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield