MJ Lastimosa, walang sisihan sa pagkatalo sa Miss U

MJ Lastimosa, walang sisihan sa pagkatalo sa Miss U

MJ-LastimosaNAKU! ANG mga baklang staff namin sa Startalk, puro Miss Universe ang pinag-uusapan nila sa meeting namin nu’ng nakaraang Lunes.

Ang mga hitad, salit-salitan sila sa pagsagot sa common question na tinanong sa top five finalists.

Kung nakapasok nga naman du’n si MJ sa top five, malamang kabog na kabog niya sila lahat du’n, dahil bagay talaga sa atin ang tanong na ‘yun at kayang sagutin ‘yan ng ating kandidata.

Pero ganu’n talaga! Hanggang top 10 lang tayo kaya move on.

Nagulat nga ako nang nalamang kong 27 years old na pala si MJ. Parang bagay ba ang edad na ‘yun sa Miss Universe? Sabi naman ng mga bakla, puwede pa raw, kaya nga siya ang ipinadala.

Ang dami ko pang naririnig na kuwento sa Miss Universe na ‘yun na naririnig ko lang sa mga vaklush na super tutok sa taunang patimpalak na ‘to.

Ayaw raw talagang isuot ni MJ ang gown na gawa ng Columbian designer na si Alfredo Barraza, pero tinilian daw siya ni Stella Araneta. Pinagpilitan daw niyang ‘yung gown ni Barraza ang isuot nito.

Nakunan nga ng iba du’n na sa rehearsal, ibang gown ang suot niya na gawa ng isang Pinoy designer. Maganda ‘yung gown at ‘yun daw sana ang gustong isuot talaga ni MJ.

Kaya hindi mo masisisi ang karamihan na sa gown at national costume nito sinisi ang pagkatalo ni MJ.

Mismong si MJ na ang nakiusap na huwag na raw isisi sa kung saan. Basta nag-enjoy raw siya sa pagsali niya sa Miss Universe at nagpapasalamat siya sa suporta ng sambayanan.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis