Mga Magulang ni Heart, Galit kay Chiz!

ADVERTISING

Mga Magulang ni Heart, Galit kay Chiz!

Mga Magulang ni Heart, Galit kay Chiz!NAKAUSAP KO sa telepono kahapon ang mga magulang ni Heart Evangelista na sina Rey at Baby Ongpauco, mga may-ari ng Barrio Fiesta restaurants.

Naghihimutok sa galit ang mag-asawa kay Sen. Chiz Escudero, ang boyfriend ng kanilang anak. Naiiyak sa sama ng loob si Mrs. Ongpauco habang ikinukuwento niya sa akin ang mga umano’y hindi pagbibigay respeto sa kanya ni Chiz.

Matagal na raw siyang nagkikimkim ng sama ng loob sa boyfriend ng kanyang anak dahil sa simula’t sapul, tila mababa raw ang tingin nito sa kanya. Kamakailan lang – sa location taping ng teleserye ni Heart na Forever sa Quezon City, nakatikim na naman umano ng pambabastos si Mrs. Ongpauco mula kay Chiz.

Ayon kay Mrs. Ongpauco, binisita niya si Heart sa nasabing taping. Pagdating raw niya sa set, lahat ng crew ay halos mataranta sa pagbibigay-galang sa kanya. Nagsitayuan daw ang lahat pati na ang mismong direktor para batiin siya at bigyan ng upuan.

ADVERTISING

Pero sa isang sulok sa ‘di kalayuan, nakita niya si Chiz na nakaupo lang at nakabukaka pa, at hindi siya pinansin. Halos matunaw raw siya sa kahihiyan, ayon pa kay Mrs. Ongpauco.

 

PERO HINDI lang si Mrs. Ongpauco ang nakaramdam ng umano’y pagpapakita ng walang paggalang ni Chiz. Ayon kay Mr. Ongpauco, sa tuwing dumadalaw raw si Chiz sa bahay nila, lasing umano ito.

Ang hindi raw niya malimutan ay nang nanliligaw pa lamang si Chiz kay Heart at dumalaw sa kanilang condo unit, naka-slouch at nakabukaka si Chiz sa isang upuan habang ini-interview siya.

Nagalit si Mr. Ongpauco at sinita raw si Chiz ng “bakit ako ang ini-interview mo, ‘di ba dapat ako ang mag-i-interview sa iyo?”

Isa pa sa mga isinumbong ni Mr. Ongpauco sa akin ay ang basta na lang pagkuha raw ni Chiz sa Mercedez Benz na pag-aari nila nang walang maayos na paalam. Ilang araw daw itong ginagamit ni Chiz bago isinosoli.

Ngunit ang isang ‘di ko malimutan na sinabi ni Mr. Ongpauco sa akin bago magtapos ang aming pag-uusap ay “Raffy, okay lang na bastusin ako at kaya kong tiisin, lalaki naman tayo, pero huwag naman ang aking misis.”

 

ANG PAMILYANG Ongpauco ay family friend ng pamilyang Tulfo simula’t sapul. At dahil dito, ang turing namin kay Heart ay para na ring isang nakababatang kapatid. Hangad kong sana maayos na itong problema sa pagitan ni Chiz at ng mga magulang ni Heart.

At si Heart ang magiging susi rito. Nakasisiguro akong pakikinggan ni Chiz ang gagawing pamamagitan ni Heart kung totoong may pagmamahal ang senador sa aktres.

Bilang isang pulitiko, si Chiz ay masasabing bihasa sa PR o Public Relation – dahil kung hindi, hindi siya ginusto ng taumbayan at hindi ibinoto. Kung napapakisamahan niya ang ibang tao, dapat mas lalong alam niyang pakisamahan ang mga magulang ng taong kanyang minamahal.

 

ANG WANTED Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5 – Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay nakasimulcast sa Aksyon TV Channel 41.

Ang inyong lingkod ay napanood din sa programang T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm. Alamin ang mga kaganapan sa ating bansa sa buong linggo at panoorin ang Aksyon Weekend news tuwing Sabado, 6:30pm. Ito ay naka-simulcast sa Aksyon TV Channel 41 at Radyo5.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87TULFO, 0917-7WANTED, 0918-983T3T3 o 0949-4616064.

Shooting Range
Raffy Tulfo

ADVERTISING