Mga magulang ni Heart Evangelista, no show pa rin sa reception ng kasal

Mga magulang ni Heart Evangelista, no show pa rin sa reception ng kasal

Heart-EvangelistaHINDI NA ako nakadalo sa reception ng kasalang Sen. Chiz Escudero at Heart Evangelista na ginanap dito sa Blue Leaf nu’ng kamakalawa ng gabi.

Alam n’yo naman ako, kapag gabi na, ayoko na ‘no! Matutulog na lang ako!

Nakibalita na lang ako sa mga bading kung ano ang mga naganap du’n sa reception.

Punung-puno nga raw ang buong Blue Leaf sa dami ng mga pumunta. Pero ang hinihintay roon ay ang magulang ni Heart na binigyan pa pala ng reserved seats nu’ng kasal nila sa Balesin Island.

May nakaabang pa nga raw na private plane, na kung sakaling magbago ng isip ang magulang ni Heart, meron agad magdadala sa kanila sa Balesin para ihatid nila sa altar ang kanilang anak. Pero waley talaga!

Sa reception nga sa Blue Leaf ay inaabangan pa rin sila, pero wala rin.

Pati nga si Pres. Noynoy Aquino ay inaasahan ding darating dahil may mga nakita raw silang PSG du’n, pero hindi rin dumating. Umiiwas na lang siguro na matira na naman kapag dumalo siya sa ganu’ng handaan.

Masayang-masaya naman ang bagong kasal nu’ng gabing ‘yun at nagpapasalamat sila sa mga malalapit na kaibigang dumalo sa kanilang handaan.

Nakita ko nga sa mga pinu-post sa Instagram, ang mga bulaklak na ginamit sa kasal nila sa Balesin ay ‘yun din ang ginamit sa reception sa Blue Leaf. Kaya nagtitipid daw talaga sila. Pero hindi pa rin tumitigil ang iba, meron pa ring patutsada na ginamit na raw ang kaban ng bayan para sa marangyang kasalang ‘yan.

Ganu’n talaga! Basta may masabi lang.

Abangan n’yo na lang sa Startalk ang buong detalye ng mga nangyari sa kasalang Chiz at Heart.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis