Melissa Mendez, kakasuhan dahil sa eskandalo sa eroplano

Melissa Mendez, kakasuhan dahil sa eskandalo sa eroplano

Melissa-MendezMEDYO NABITIN ang mga viewers sa interview namin kay Melissa Mendez na napabalitang pinababa ng Cebu Pacific pagkatapos nitong magwala sa eroplano nang papuntang Pagadian City nu’ng nakaraang Biyernes ng umaga.

Emotional si Melissa at nag-iiyak ito nang tinanong namin bakit siya lang ang pinababa ng eroplano at hindi ‘yung mga nakalaban niya na grupo ni Andrew Wolff.

Hindi niya nasagot nang maayos ang naturang tanong kaya tinapos na lang namin.

Ang inamin lang niyang nasampal niya ay itong kaibigan ni Andrew na si Rey Pamaran, dahil sinabihan daw siyang mabaho ang hininga niya at pinalalayo ito.

Pero ang flight attendant ng Cebu Pacific na napabalitang sinaktan din niya ay itinanggi ng aktres.

Kaya sabi ni Andrew, hindi na siya magpapa-interview pa. Mas mabuting hingan na lang daw ng pahayag ang mga taga-Cebu Pacific at ang mga nakasabay nilang pasahero para malaman daw ang buong katotohanan.

Malinaw naman daw na siya lang ang pinababa ng eroplano, pero sila hindi. Bukod pa riyan, may mga kasama raw siya sa flight na ‘yun na hindi naman pinababa. Bakit daw tumuloy sa biyahe ang mga kasama niya at siya lang ang mag-isang pinababa ng Cebu Pacific.

Parang may sense nga ‘yung kuwento nina Andrew, kaya tingnan na lang natin kung ano ang mangyayari sa kuwentong ito.

Ang sabi kasi, posibleng kasuhan si Melissa niyan at pagmultahin.

Ngayon, ang isa pang anggulo diyan, may mga naglalabasang intriga tuloy kung mag-ano raw ba talaga sina Rey Pamaran na nakaaway ni Melissa at si Andrew? Hay, naku! Saka na natin kalkalin ‘yan!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis