Megan Young, nai-starstruck pa rin sa mga hinahangaang artista

Megan Young, nai-starstruck pa rin sa mga hinahangaang artista

Megan-YoungPRODUKTO NG Starstruck Season 2 si Megan Young. Hindi man siya ang nanalo, napasama siya sa top 6 nito.

Ngayon, siya na ang host ng nasabing talent search ng GMA 7. Isang bagay raw na hindi niya akalain na mangyayari.

“No’ng time na sumali ako, ang host ay sina Dingdong (Dantes) at Ate Jolens (Jolina Magdangal),” pagbabalik-tanaw ni Megan. “Natutuwa ako, kasi ‘di ba… kung saan ka nanggaling? Tapos ngayon ako na ang maghu-host.”

May pressure ba ang paghu-host niya sa Starstruck?

“Medyo. Lalo na kasama kong maghu-host si Dingdong na… Primetime King. No’ng time na nag-Starstruck ako, kaming mga contestants… we look up to them. These are the people na iniidolo ko dati. Ngayon kasama ko na sila.”

Pero mataas na rin ang estado ng pagiging celebrity niya ngayon. Nakaukit na sa kasysayan ang kanyang pangalan bilang kauna-unahang Pinay na nanalong Miss World.

Nakatutuwa na sa kabila ng kanyang tagumpay ay hindi lumaki ang kanyang ulo. Wala siyang ipinagbago at simple pa rin na nai-starstruck pa rin kay Dingdong at sa ibang artistang hinahangaan niya dati.

Kumusta sila ng rumored boyfriend niyang si Mikael Daez sa ngayon?

“Okey naman. We hang out a lot.” matipid na sagot ni Megan.

Bago pa sila naugnay sa isa’t isa, matagal na raw silang magkakilala.

“Nagkakilala kami through a friend. Kasi ‘yong bestfriend ko, kaklase niya since grade school.”

Ano ang nagustuhan niya kay Mikael?

“A… matalino siya. Mabait. At saka masarap siyang kausap.”

Okey sa kanya na magkasama sila sa isang project?

“Why not? I mean, matagal na kaming magkakilala. So, that would be very interesting na magkasama kami sa isang project.”

Gusto rin daw niyang makatrabaho din sana ang younger sister niyang si Lauren na isang Kapuso star rin.

“Sana meron kaming project together. Kasi never pa kaming nagkaroon ng project na magkasama kahit no’ng nasa kabila (ABS-CBN) pa kami na nagwu-work. Wala pa talaga. So, sana dito sa GMA, iyon ang mangyari. If ever na magkaroon ako ng ibang project sa GMA aside from Star Struck and Sunday All Stars, gusto ko drama siyempre. Pero exciting din kung romcom (romance-comedy) or kung comedy. Para ibang side naman ni Megan ang makikita nila.”

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan