McCoy de Leon at Elisse Joson ipinakilala na sa publiko ang kanilang anak na si Felisse McKenzie

Leo Bukas

MAY ANAK NA pala ang magkasintahang McCoy de Leon at Elisse Joson. Ito ang inamin ng dalawa nang bumisita sila sa Pinoy Big Brother house nitong Sunday, October 31.

Sa nasabing episode ng Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 ay ipinagtapat ng showbiz couple kay Big Brother na gusto nilang si Big Brother ang unang makaalam ng pagkakaroon nila ng baby dahil sa naturang reality show sila nag-umpisa.

McCoy de Leon at Elisse Joson ipinakilala na sa publiko ang kanilang anak na si Felisse McKenzie
Elisse Joson and McCoy de Leon | Inset: Elisse with daughter

Ang name ng baby girl nina Elisse at McCoy ay Felisse McKenzie na kumbinasyon ng kanilang mga pangalan.

“Kami po ni McCoy, meron po kaming isang napakaganda at napakabait na baby girl. This is baby Felisse McKenzie, ayan po, yung pangalan niya galing po siyempre hati sa amin ni McCoy. Siya ang lucky charm po namin. She is our greatest blessing po talaga,” sabi  ni Elisse.

Ayon naman kay McCoy, napili nilang sa “PBB” at kay Kuya aminin at ipakilala ang anak nila ni Elisse dahil doon nga nagsimula ang kanilang pagmamahalan.

“Nagpapasalamat kami na makabalik ulit dito and i-share po sa inyo ang magandang balita po namin.  Naisip po namin na dito po kami nagsimula sa bahay po ninyo and malaki po ang utang na loob po namin,” aniya.

Dagdag ng aktor, “Alam namin na imposibleng makita ka niya, pero gusto naming tingalain ka niya bilang isang ninong, isang godparent na punong puno ng wisdom kaya naisip po namin na lumapit po sa inyo.”

Nagpasalamat naman si Big Brother sa tiwala at pagpapahalagang ng ipinakita sa kanila ng McClisse.

“Una sa lahat ay nais kong magpasalamat sa inyong alok sa akin, at gusto kong malaman niyo na lubos kong tinatanggap ito. Isang karangalan ang maging ninong ng anak ninyo. Higit sa lahat, congratulations, McCoy at Elisse!” sabi pa ni Kuya.

Reaksyon ni McCoy dito, “Habang buhay po namin na dadalhin yon. Ang ano lang, alam namin na hindi expected pero itong programa na ito yung nagtadhana sa amin patungo dito, may family na kami. Salamat po. Salamat.”

Ilang taon ding nagkahiwalay sina Elisse at McCoy pero noong Feb. 2020 ay nagkabalikan sila.