May sira ang ulo!

ADVERTISING

May sira ang ulo!

SI PO1 FLORDENCIO Valenzona ay isang klasikong ehemplo ng palpak na screening sa recruitment process sa PNP.

ADVERTISING

Kung dumaan lang sana sa tamang neuro-psychiatric exam itong si Valenzona, sigurado akong lumagpak ito at hindi siya naging pulis.

Ngunit bago pa man mag-apply si Valenzona sa PNP, sa aking pakiwari, nangangailangan na ang taong ito ng isang espesyalista sa utak na susuri sa kanyang katinuan.

Noong March 26, 2011, sa Maligaya Park, Novaliches, Quezon City, binugbog ni Valenzona si Jonard Amante. Nang magtangkang umawat ang ama ni Jonard na si Joel, binunutan niya ito ng baril at tinutukan sabay na pinagsabihang siya ang isusunod at totodasin pa niya.

ADVERTISING

Ang pinag-ugatan ng galit ni PO1 kay Jonard ay dahil karibal nito ang barkada ni Jonard na si Demas sa babaeng si Berna – na may asawang seaman. Habang nasa laot ang asawa ni Berna, sinasalisihan ito ni PO1.

Samantala, napag-alaman ni PO1 na bukod sa kanya, may boyfriend din pala si Berna na iba. At ito nga ay ang matalik na kaibigan ni Jonard.

Sa kagustuhang mapaamin ni PO1 nang diretsuhan si Jonard na ang barkada nitong si Demas ay boyfriend ni Berna, at palayuin na rin si Demas kay Berna, binugbog niya si Jonard.

Noong nakaraang linggo, nang mag-away si Valenzona at si Berna dahil sa pagseselos kay Demas, walang kaabug-abog na nagpaputok ng kanyang baril si Valenzona sa veranda ng bahay ni Berna. Inubos ni Valenzona ang lamang bala ng tatlong magazine ng kanyang baril sa pagpapaputok.

Hindi pa nakuntento, tinutukan pa ni Valenzona ng kanyang baril ang mga taong nakaistambay sa isang sari-sari store malapit sa bahay ng kanyang kalaguyo.

Nang magsumbong si Jonard sa WANTED SA RADYO (WSR), bitbit niya ang mahigit isang dosenang basyo ng bala ni PO1 na narekober ng mga testigo bilang ebidensiya.

MADALAS TAYONG NAKAKARINIG ng mga kababayan nating OFW na minamaltrato ng kanilang mga amo sa ibang bansa. Pero paano na kung ang mga kababayan natin ay minamaltrato ng kanilang mga dayuhang amo sa atin mismong bayan?

Dumulog sa WSR si Noime Velasco para ipa-rescue ang kapatid niyang kasambahay na si Ronalyn sa amo nitong Bumbay na nagngangalang Zunita.

Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE si Ronalyn sa telepono at humahagulgol ito. Nagmamakaawa din siyang ma-rescue na sa bahay ng kanyang amo dahil hindi na raw niya makayanan ang madalas na ginagawang pambubugbog nito sa kanya.

Sa konting pagkakamali at napakaliit na bagay, nakakatikim ng bugbog si Ronalyn mula kay Zunita. Isang halimbawa na lang ay nang may nakitang uod ang Bumbay sa kanyang banyo. Sumiklab ito sa galit dahil hindi raw nilinis ni Ronalyn ang banyo kaya tinawag niya ito at inuntug-untog ang ulo sa semento. Hindi pa nakuntento, tinusok niya ng susi ang mukha ni Ronalyn.

Ang WSR ay napapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2-4 pm. Ito ay kasabay ring mapapanood sa Aksyon TV sa Channel 41, Channel 7 sa Destiny Cable, at Channel 1 naman sa Cignal.

Mamayang gabi abangan ang isa na namang maaksyong episode ng WANTED sa TV5, 11:45 pm.

Shooting Range
Raffy Tulfo

ADVERTISING