Max Collins, binabantayan pa rin ng mga pulis

Max Collins, binabantayan pa rin ng mga pulis

Max-CollinsMAY BAGONG anggulo na pala itong kuwentong death threat kay Max Collins, ha?!

Nalaman kasi ng Startalk na nagpa-blotter pala ang dating driver niya sa may police headquarters sa Pasig.

Nagulat si Max nang sinabi ito sa kanya ng Startalk dahil nakaaway nga raw ito ng Mommy niya na ikinuwento rin ni Max kung ano ang pinag-awayan nila.

Kuwento nga ni Max, pagkatapos daw mag-away ang Mommy niya at ng driver, pinaalis na nila ito.

Pero sinabihan daw sila ng driver nila na ipaba-blotter sila at isusumbong daw kay Tulfo.

Iyon na nga, itinuloy na nila at binaliktad daw sila. Kaya nga nu’ng nagpa-blotter din ang ina ni Max, pinatawag daw itong driver doon sa headquarters pero hindi naman daw pumunta.

Magmula nu’n nakatanggap na raw sila ng mga text na nananakot. Naawa nga raw si Max sa PA niya, dahil pati ito nadadamay, at pati siya nakatanggap na rin ng death threats.

Pero ngayon ay tumigil na raw at nanahimik na, pero may security pa rin si Max at binabantayan pa rin ng mga pulis.

Medyo nawawala na raw ang takot, pero nag-iingat pa rin sila at baka magulat na lang sila, may gagawin na sa kanila ang kung sino man itong nagpapadala ng death threat sa kanila.

Ayaw raw diretsahang sabihin ni Max na itong driver ang suspetsa nila dahil mabait naman daw ito. Kaya baka may ibang nangialam at nakisali sa problema nila sa kanilang driver.

Anyway, napag-usapan na ito sa Startalk at naging isyu na rin sa showbiz, kaya siguro tapos na ‘yun, tama na ‘yun. Napagbintangan pa ngang gumigimik lang daw si Max. Kaya nagsalita na rin ang Kapuso actress na hindi magandang gimik ‘yun, kung totoo ngang gumigimik lang sila. Hindi raw matatawaran ang takot na naramdaman niya, kaya bakit daw niya iisiping gumimik nang ganu’n?

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis