Masakit na Graduation Feels

ADVERTISING

Masakit na Graduation Feels

PANIGURADONG NGAYON pa lang, trending na ang pag-post ng mga graduation pictures kasama ang pamilya at ang mga barkada sa eskuwela. Kay bilis nga naman ng panahon, parang kailan lang magpapasukan pa lang, ngayon mga graduation ceremonies na ang mga nagaganap. Ilang araw pa lang makalipas ang pagtatapos ng mga bagets sa sekondarya o sa kolehiyo, malamang sa malamang samu’t saring pakiramdam na ang nararanasan nila ngayon.

ADVERTISING

‘Yung iba riyan, excited pasukin ang susunod na kabanata para sa kanila, ‘yung iba riyan, masayang-masaya dahil susulitin na nila ang summer 2015. Pero mas marami pa rin sa kanila na in denial na tapos na ang high school o college para sa kanila.

Para sa mga in denial na Class of 2015 diyan, naaalala n’yo pa ba ang mga panahon kung kailan gusto mo nang matapos ang pasukan at grumadweyt agad? Pero ngayon na sumapit na ang tamang panahon sa pag-graduate, tila bang hirap na hirap ka nang i-let go ang mga nakasanayan mo sa paaralan? Hindi ko naman kayo paiiyakin pero tara at magkakaroon tayo ng throwback ngayon, pagkatapos na lang ang #MoveonMonday naman.  Anu-ano nga ba ang mami-miss mo ngayong graduate ka na?

Siyempre unang-una riyan ay ang kakaibang pakiramdam kapag unang araw ng pasukan. “First day high” nga kung tawagin. Ang iba sa inyo ay kabado dahil panibagong yugto na naman sa buhay ang mangyayari. Maiisip n’yo na mas hihirap ang mga aralin dahil tumaas na na naman ang iyong antas na kinabibilangan. Ang iba naman ay marahil sabik na sabik!

ADVERTISING

Ito ay sa kadahilanan na bago ang mga sapatos, bag, at kung anu-ano pang kagamitan sa eskuwela. Nananabik din silang makita muli ang mga kaibigan at makakilala ng bagong kaibigan. Mami-miss n’yo rin ang pag-doodle o ang pag-drawing ng kung anu-ano sa likod ng inyong mga notebook kapag walang tigil na namang nagkukuwento ang mga boring n’yong guro! Kadalasan nga, mas marami pa ang mga larawang iginuhit kaysa sa notes mula sa mga lessons ng guro.

Hindi rin mawawala sa listahan ang mga bumabahang luha sa tuwing magbibigay ng mahihirap na takdang aralin ang mga guro. Lalo na kapag araw ng Biyernes dahil imbes na TGIF o “Thank God It’s Friday” na sana, hindi mo puwedeng ma-enjoy ang Sabado at Linggo dahil makukulong ka sa bahay kagagawa ng mga takdang aralin at proyekto. Hinding-hindi mo rin puwedeng hindi ma-miss ang mga pagkakataon na kayo ay nakatitig sa mga orasan ng bawat sulok ng silid-aralan at naghihintay ng tunog ng bell. Kahit anong klaseng tunog ng bell: bell man kapag break time o bell man kapag uwian na. Basta, huwag lang bell kapag umaga dahil tunog ito na simula na naman ang mahabang araw sa klase.

Kahit sawang-sawa ka na sa uniform mo. At minsan mo na ring sinubukang mag-civilian sa klase kahit bawal. Huwag n’yong itatanggi na hindi n’yo mami-miss ang pagsuot niyan. Dahil aminin n’yo man o hindi, matapos ang ilang araw ng inyong graduation, hahanap-hanapin n’yo ang uniform n’yo na numipis na at lumambot na ang mga tela dahil sa araw-araw na pagsuot.

At siyempre, ang pinakamami-miss n’yo sa lahat, ang mga taong kumumpleto ng apat na taon n’yo sa sekondarya at sa kolehiyo. Kasama na riyan ang mga maaalalahanin na mga guro na pati ang love life ng estudyante nila ay pinakikialaman at ang pagkakaibigan na nabuo mula sa inyong barkada na natagpuan. Ang barkada na kasa-kasama mula kasiyahan, kalungkutan, at maging sa kalokohan ay nariyan at laging present.

Kay bilis ngang lumipas ng panahon. Pero hindi ibig sabihin na riyan na natatapos ang lahat ng iyan. Sabi nga nila ang graduation ay hindi pagtatapos. Kundi ito ay isang pagbubukas ng bagong simulain.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

ADVERTISING