Mark Bautista, sunud-sunod ang pagsubok sa pamilya

Mark Bautista, sunud-sunod ang pagsubok sa pamilya

Mark-BautistaMEDYO EMOTIONAL si Mark Bautista nang mag-guest siya sa Startalk para i-promote ang nalalapit niyang concert sa Resorts World Manila.

Napag-usapan kasi du’n ang tungkol sa kanyang amang si Leon Darny Bautista III na na-stroke kamakailan lang.

Sumugod nga si Mark sa Cagayan de Oro nu’ng nakaraang linggo para dalawin ang ama niyang nasa hospital.

Ipinakita ni Mark sa Instagram account niya na tinuturuan niya itong magsalita dahil nabubulol na ito.

Ayon kay Mark, nakalabas na raw ng hospital ang ama niya at nagpapagaling na ito.

Naloloka nga raw siya minsan dahil parang sunud-sunod ang nangyari sa pamilya niya. ‘Di ba muntik nang makulong ang ina niya dahil sa nakasuhan ito ng Estafa?

Pero nalagpasan na nila ito, at magkakasama naman daw silang pamilya na hinaharap ito.

Sabi nga niya, “Na-realize ko nga na bakit sunud-sunod yata. Kahit sabihin ko pang sobrang thankful ako sa blessings na dumarating sa buhay ko, pero hindi talaga magiging perfect ang buhay, eh.

“Talagang magkakaroon ka ng problema. So, parang thankful ka sa mga blessings, pero at the same time hindi mo puwedeng kuwestiyunin si God bakit nangyari sa ‘yo ‘yan.

“So, tinatanggap ko siya as it is, na okay, may dumarating talagang problema na kailangan mong harapin.”

Ngayon ay madalas na raw niyang tinatawagan ang papa niya para sabihan ng “I love you”, kasi hindi naman daw niya ito nasasabi noon.

Gusto man daw sana ng papa niya na mapanood ang concert niya sa Resorts World, pero hindi pa ito puwedeng ibiyahe. Baka ang mama raw niya ang luluwas para panoorin ito.

 

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis