Mariel Rodriguez, nanganganib na ang showbiz career?!

ADVERTISING

Mariel Rodriguez, nanganganib na ang showbiz career?!Mariel Rodriguez, nanganganib na ang showbiz career?!NANGANGANIB NA ANG showbiz career ni Mariel Rodriguez. Mahirap kasing makialam ang kahit na sino pagdating sa usapin ng puso. Iyan ang nangyayari sa kanya ngayon, dahil habang nariyan at bongga ang kanyang career bilang TV host sa panahong mangilan-ngilan lang talaga ‘yung pinagkakatiwalaan ng ABS-CBN na kinagigiliwan ng masa pagdating sa hosting, bigla namang pagkatapos makipaghiwalay sa dati niyang karelasyon na si Zanjoe Marudo, napabaling na kaagad ang kanyang atensiyon, at hindi na nakawala kay Robin Padilla.

Bilang kanyang talent manager, si Kuya Boy Abunda ay napapatunganga na lang sa bilis ng mga pangyayari sa buhay at mga desisyon ng kanyang alagang si Mariel. Napakaraming trabaho ang nakalaan para sa magandang TV host, pero kung nakikita niyang ganyan na sa sobrang pagmamahal ay kay Robin muna umiikot ngayon ang mundo ng ex-girlfriend ni Zanjoe, labas na siya para makialam sa usapin ng pakikipagrelasyon. Ikinatutuwa na lang ni Kuya Boy ang makitang maligaya si Mariel.

ADVERTISING

Ang nakaka-bother lang dito para kay Mariel, kapag nangyaring hindi niya napagsabay na patuloy pang bumongga ang kanyang showbiz career habang patuloy rin siyang maligaya sa piling ni Robin. Una sa lahat, sa pagiging TV host pa lang siya napapansin. Sa pelikula naman ay wala pa siyang napapatunayan, at hindi pa siya box-office star na masasabi. Pinagpapantasyahan din ang kanyang magandang mukha, kaya nakalulungkot kapag lumaylay na ang pagkagiliw sa kanya ng kanyang mga fans. Ang dalas na rin niyang magbakasyon, kasama ni Binoe. Hindi raw maganda na ang sikat na artista ay laging nawawala at nagbabakasyon. Baka kasi sa kanyang pagbabalik, wala na siyang trabaho na babalikan pa.

ISANG KAIBIGAN SA showbiz, si Mr. Jun Macarubbo na dating taga-Adprom ng Seiko Films, tagahanga ni Nora Aunor at pinsan ng namayapang si Direk Joey Gosiengfiao ang nagtext sa akin: “Alam mo, sabi ng friend kong director, na gagawa sana ng movie para kay Guy, pero hindi natuloy, si Nora ay hirap talagang kumilos at magdesisyon ngayon. Kasi, madalas na hindi siya pinapayagan ni Sajid Khan kapag umaalis siya para makipag-meeting. Kailangang ipagpapaalam pa kay Sajid kung kailangang kausapin si Guy.”

Ang isa pang nakalulungkot, dahil nga mayaman si Sajid, at siya ‘yung isa sa mga kilalang tumutulong kay Ate Guy sa ibang bansa, ang Superstar diumano ay parang maid na lang ngayon ni Mr. Khan.

ADVERTISING

Kaya nga raw, hanggang ngayon ay isang malaking palaisipan kung bakit sa napakaraming planong malalaking proyekto na pagkakaabalahan sana ni Nora ay wala nang natutuloy.

ILANG TULOG NA lang at hahatulan na ang pagbibida ni Vice Ganda sa pelikulang Petrang Kabayo ng Viva Films. Isang matinding pagsubok sa career ng isang artista ‘yung ikaw na ang ibinebenta sa masa sa pamamagitan ng sarili mong pelikula.

Kaya naman sobra-sobra ang kaba ng sikat na komedyanteng sumikat sa programang Showtime ng ABS-CBN. Napakatotoo niya sa kanyang pagpo-promote dahil sa sinasabi niyang:  “PANOORIN N’YO PO ANG PELIKULA KO, PARANG AWA N’YO NA!”

Ilang naglalakihang pelikula na rin ang nilabasan ni Vice, pero sumusuporta lang siya sa mga bida. Kapag showing ng mga nauna niyang pelikula, wala sa kanya ang kaba, dahil mga sikat na artista ang kanyang kasama.

Pero sa pagkakataong ito, remake pa ng matagumpay noong pelikula ni Roderick Paulate ang kanyang pinagbidahan. Nakalusot siyang sumikat, kaya kahit batang paslit ay kilala kung sino si Vice Ganda ngayon.  Hindi siya mayabang na tao. Pangarap niyang magtagal sa showbiz. Kailangan din natin ng bagong hahangaang komedyante.

Ito ang panahon niya, kaya sana nga ay suportahan ng kanyang mga tagahanga ang launching movie niya. Parang awa n’yo na!

ChorBA!
by Melchor Bautista

ADVERTISING