Mariel Rodriguez, nagpahinga sa hosting para kay Robin Padilla

LABIS NA IKINATUWA ni Willie Revillame ang pagpayag ng nag-iisang anak na babae ni Sen. Manny Villar na si Camille na maging co-host niya sa show na Wil Time Big Time ng TV5. Matagal nang nililigawan ng TV host/ singer na makasama niya ito sa kanyang show. On leave ngayon si Mariel, pansamantalang mawawala ang misis ni Robin Padilla sa nasabing show para magbakasyon at i-celebrate ang birthday ni Robin sa ibang bansa.

Charming at napaka-down to earth nitong si Camille kaya malakas ang karisma niya sa masang Pilipino. Siya ‘yung madalas na kasama ni Sen. Villar nu’ng presidential elections para magkampanya sa kanyang daddy sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Walang balak ang mala-beauty queen na pasukin ang showbiz kahit may angkin itong ganda para maging artista. Tama na raw ‘yung mapagbigyan niya si Willie na maging co-host.

Hindi nga raw akalain ni Camille na totohanin ni Willie ang pag-iimbita nito na maging host sa WTBT. Tutal, one week lang naman siya tatagal sa show kaya okay lang sa kanya. Kumportable naman daw ang dalaga kapag kasama ang controversial TV host. At kadalasan kapag magkasama ang dalawa, palagi nitong pinapatawa ang morenang anak ng senador. Super excited na nga raw itong si Camille sa pagiging co-host ni WR kahit one week lang siya sa ere, tsika sa amin ng taga-TV5.

All support ang ibibigay ng pamilya ni Sen. Villar kay Camille sa unang raw nito bilang host sa Wil Time. Sasamahan nila ang dalaga sa loob ng studio bilang suporta sa one and only daughter ng senador. Anong malay natin maging maganda ang  performance ni Camille bilang host at kagatin siya ng milyung-milyong manonood. Baka magbago ang isip niya at tuluyan na siyang maging permanent na co-host ni Wille sa nasabing game show, tsika pa ng aming kausap.

SPEAKING OF MARIEL Rodriguez, walang hindi gagawin ang TV host para maging masaya’t maligaya ang pagsasama nila ni Robin Padilla. Totoo ang binitiwang salita ng misis ni Binoe na priority niya ang kanyang mister, secondary na lang ang kanyang showbiz career. Palagi siyang may oras sa action star, maging sa mga anak nitong sina Queenie at Kylie Padilla.

Kaya nga pinakasalan ni Mariel si Robin dahil sa sobrang pagmamahal niya rito. Saksi kami kung papaano asikasuhin at pagsilbihan ng TV host ang kanyang mister. Sinusubuan ang action star habang kumakain ito. Pinupunasan ng pawis kahit maraming tao sa paligid ang nakamasid sa kanilang dalawa. Wala itong pakialam, ang importante, ginagampanan niya ang tungkulin bilang asawa ni Binoe.

Sinabi naman ni Robin na kung mag-aasawa siya, gusto niyang siya ang inaalagaan at bini-baby ng magiging kabiyak niya na buong ning-ning namang nagampanan ni Mariel. Nakita ng action superstar sa TV host ang mga katangian ng isang babaeng gusto niyang pakasalan kaya nga mabilis ang kanilang pagpapakasal. Tanging dasal ni Bad Boy, forever na sana ang pagmamahal nila sa isa’t isa. Wala na raw siyang mahihiling pa sa Panginoon dahil ibinigay nito ang babaeng makakasama niya habang buhay. Pipilitin nilang maging matatag sa anumang intriga darating sa kanilang pagsasama. Ganu’n?

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

Previous articleDirek Joey Reyes, dismayado sa mga teleserye sa TV!
Next articleTeejay Marquez, pinatunayang may ibubuga sa showbiz!

No posts to display