Marian Rivera, sobrang thankful kay Angel Locsin!

WALA NAMANG PROBLEMA kung makita ang “kuyukot” ni Marian Rivera sa costume niya bilang Darna.

“Sobrang metikulosa ang mga anak ni Mars Ravelo sa lahat ng bagay, tungkol sa paggawa ng teleserye, kaya’t hindi ako puwedeng umarte-arte. Hindi uubra. At wala akong balak na kunsumihin sila. Dapat nga, mag-bow pa ako sa kanila nang katakot-takot dahil inaprubahan nila ako, kahit maliit ang boobs ko, at hindi katulad ng kauna-unahan nilang Darna na si Rosa del Rosario raw.”

Kahit naman si Madam Vilma Santos, hindi talaga maitutulad sa orig na Darna. Malinggit lang din kasi siya, tulad ni Marian. Pero, hindi matatawaran ang lakas ng kanilang sex appeal.

‘Yun bang, kahit kuyukot pa lang, sapat na!

ISA PANG HINDI uubra kay Marian ngayon ay intrigahin tungkol kay Angel Locsin.

“Unang-una, hindi naman ang Darna version ni Angel ang gagawin ko, kundi ‘yung kay Madam Vilma. Ang kaibahan lang, hindi siya ang gumanap bilang Darna at Narda at the same time. Ako, gusto nilang pareho kong gampanan ang pagiging Darna at Narda na pipilitin kong gawing makatotohanan. Alam kong doble ang challenge nito sa akin, dahil dalawang magkaibang characters ang ipo-portray ko. Pero, curious talaga akong makakita ng larawan ni Mila Nimfa na siyang gumanap bilang Narda noong panahon daw ni Ms. Rosa del Rosario, ang original Darna ni Mars Ravelo,” pahayag niya.

“Huwag din po nating kalilimutan na kung hindi lumipat si Angel sa kabilang istasyon, hindi ko mararanasan ang nararanasan ko ngayon. Siya pa nga po ang nagbukas ng pinto sa akin, kaya dapat pong pasalamatan ko siya nang sobra-sobra.

“Pati po si Carla Abellena, wine-welcome ko rin at sana, hindi rin po nila kami paglabanin. Totoo naman pong kulang ang mga bibidahing artista sa Kapuso station.”

Higit sa lahat, si Marian lang yata ang hindi tinablan ng kasabihang “lucky in career, unlucky in love.” Hindi lang matagumpay na career ang nasuwertehan niya sa Kapuso network, kundi isang lalaki na magmamahal at magiging inspirasyon niya. What more can she ask for?

“Walang-wala na nga po. Pero, siyempre, huwag po nating tanggihan sakaling madagdagan pa ang 24 endorsements ko,” biro niya. Tinutukoy niya ay ang bagong SM Commercial niya na ang ibinayad lang naman sa kanya ay isang maganda at malaking condominium.

NATAWA NGA PALA si Marian nang banggitin ang 3 buwan niyang bakasyon na ibinigay sa kanya ng Kapuso network.

“Pinadama lang pala ako. Pinaghanda ang katawan ko sa iba’t ibang trabahong ipagagawa sa akin. Nand’yan ang sitcom with Manny Paquiao. Wala rin po akong problema, dahil likas naman po akong bungisngis. Tatapusin ko na rin po ang Tarot para sa Regal Films at by August, uumpisahan ko ang Nieves na entry ng Regal Films sa Metro Manila Films Festival.” Bukod sa role na Ding sa Darna, kasama rin niya si Buboy Tan sa Nieves.

Kapansin-pansin nga pala kay Marian ang pagkamasinop niya sa kinikita. Hindi porke laksa-laksa na ang kanyang kinikita ngayon, madali na siyang bentahan ng kung anu-ano. Hindi siya nasilaw sa naggagandahang alahas na inialok sa kanya ng isang alahera pagkatapos ng press interview. Panay-panay ang tago niya sa likod ni kumareng Lolit Solis. Kahit ang isang maliit na batong singsing na pilit na ipinakukuha sa kanya, hindi niya pinatulan.

Posibleng si Marian na rin marahil ang magiging pinakamayamang big star this side of showbiz, kung ganu’n ang attitude niya sa mga gastusing hindi naman kailangan. Tama na siguro sa kanya ang bracelet (na regalo ni Dingdong) para siya lumigaya.

BULL Chit!
by Chit Ramos

Previous articlePinoy Parazzi Vol. II Issue #100
Next articleMarian Rivera, hinarap ang mga kalaban!

No posts to display