Marian Rivera, nagagamit sa pelikula nina Dingdong Dantes at Angel Locsin?!

Marian Rivera, nagagamit sa pelikula nina Dingdong Dantes at Angel Locsin?!

Marian Rivera, nagagamit sa pelikula nina Dingdong Dantes at Angel Locsin?!NAKU! HINDI pa nagsisimula ang pelikula ni Dingdong Dantes sa Star Cinema, dinadamay na si Marian Rivera sa intriga.

Kasama kasi ni Dingdong sa pelikulang ito sina Angel Locsin at Angelica Panganiban. Pero dahil sa kabi-break lang ni Angelica kay Derek Ramsay, malamang na maiintriga raw ito kay Dingdong dahil may mga matitinding love scenes silang gagawin.

Medyo daring kasi ang pelikulang gagawin nila kaya hinuhulaan nang tiyak na pagseselosan daw ito ni Marian Rivera.

Nu’ng tinanong ang magkasintahan tungkol dito, tiniyak naman ni Dingdong na hindi na raw aabot sa ganu’n.

Trabaho lang naman daw ang sa kanila kaya hindi raw mangyayari ang ganu’ng intriga.

Nang tinanong naman si Marian tungkol diyan, ayaw niyang magkomento dahil hindi naman daw siya kasali sa pelikula. Huwag na raw siyang idamay.

Sana nga ganu’n, ‘di ba? Kasi baka magagamit lang si Marian sa publicity kaya mabuti na habang maaga ay huwag nang paabutin sa ganu’ng intriga.

Sabi naman ni Dingdong, may limitations naman daw ‘yun kaya hindi naman daw all-out ang pagka-daring nila rito.

Pagbalik nila galing sa ilang shows sa Amerika ay sisimulan na ni Dingdong ang pelikulang ito.

Si Marian naman ay sisimulan na rin ang pelikula nila ni Coco Martin. Pero siguro naman hindi na pagseselosan ni Dingdong si Coco, ‘di ba?

Nakatakda nang umalis si Dingdong pa-Amerika dahil tapos na ang taping nito sa My Beloved.

Si Marian naman ay hahabol dahil meron pa siyang mga eksenang kukunan sa My Beloved at magti-taping pa siya sa Tweets for My Sweet.

 

ANG DAMI na naman ngayon ang nagkainteres na i-guest si Sen. Lito Lapid sa mga TV shows dahil sa naging trending siya sa Twitter gawa ng speech niya sa Senado nu’ng ibi-naba nila ang hatol kay CJ Renato Corona. Tinalbugan niya ang lahat na mga senador na nagsalita dahil sa mga nakaaaliw niyang pahayag.

Kahit may mga ilang bumabatikos pa rin, hindi na apektado riyan si Lito. Basta nagpakatotoo lang daw siya.

Tamang-tama lang ito sa pagbabalik niya sa showbiz dahil may ginagawa itong drama series sa ABS-CBN 2, kaya sana iere na ito agad. Bumalik na nga si Lito sa taping ng drama series niyang Little Champ.

Kahit si Sen. Bong Revilla ay naging trending din du’n sa Impeachment Trial dahil siya kasi ang pang-16 na senador na bumoto ng “guilty” kay CJ Corona.

Ang inaabangan kasi ng lahat ay makabuo lang ng 16 votes, ‘yun na ang desisyon. Tamang-tama, pang-16 si Bong, kaya pinag-usapan din ito at nagpalakpakan ang halos lahat.

Sabi nga ni Bong, nahirapan din daw siya sa desisyon niyang ‘yun, pero kailangan daw niyang ibaba at gaya ni Lito, ginamit din niya rito ang kanyang kunsensiya at pinag-aralan din niya ito nang matagal.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis