Marian Rivera and Dingdong Dantes call each other “Hon”

BONGGA ANG SELEBRASYON ng 59th anniversary ng GMA 7 na ginanap sa Araneta Coliseum nu’ng nakaraang Sabado na may pamagat na One Glamorous Night Greater and Grateful at 59. Star-studded ang naturang selebrasyon pero marami pa ring big stars ng GMA 7 ang hindi nakadalo.

Naintindihan naman kung bakit wala ang karamihan sa mga alaga ni Tito Douglas Quijano na sina Richard Gomez, Lucy Torres, Joey Marquez, Jomari at Anjo Yllana dahil last night ‘yun ng burol sa namayapang talent manager.

Pero ang kapansin-pansin, wala si Richard Gutierrez na dapat ay finale sa mga ipakikilalang Kapuso stars dahil i-introduce ang bago niyang primetime series na Full House na ipapalit sa Zorro.

Tinanong namin si Tita Anabelle Rama kinabukasan sa cremation ni Tito Dougs kung bakit wala si Richard. “Naku mahabang kuwento ‘yan, ‘Dong!” Sagot niya agad sa akin. Pero hindi ko na kinalkal at baka lalong uminit ang ulo, dahil medyo kalmado pa naman siya nu’ng mga oras na ‘yun.

Doon pa rin sa GMA anniversary show, napansin din naming wala si Robin Padilla at si Heart Evangelista na dinig namin, nagpa-self quarantine matapos manggaling sa Amerika.

Pero hindi naman gaanong napansin ang absence ng ilang big stars dahil maganda ang presentasyon ng anniversary show na malapit nang mapanood ang special sa GMA.

Siyempre, bida nu’ng gabing ‘yun sina Dingdong Dantes na ipinakilala bilang bida sa Stairway to Heaven, at Marian Rivera bilang Darna. Gaun’n din ang mga bida sa All My Life na sina Aljur Abrenica at Kris Bernal, sina Carla Abellana at Geoff Eigenmann sa Rosalinda.

Maganda rin ang exposure kina Sen. Bong Revilla, Ogie Alcasid, Michael V. at Regine Velasquez.

Naamataan nga naming sobrang sweet sa backstage sina Dingdong at Marian. Marami ang nakarinig sa tawagan nilang “Hon” sa isa’t isa. Lagi silang magkasama at isang masarap na halikan bago sila maghiwalay, para gawin ang production number nila.

Hindi na rin mai-deny ang magandang pagtitinginan nina JayR at Krissa Mae Arietta. Sabay pa silang umalis pagkatapos ng number ni Krissa Mae. Matagal nang tapos ang number ni JayR pero hinintay pa nito si Krissa Mae para sabay silang umalis.

Sweet din sina Ogie at Regine. Umiiwas ang huli sa mga tanong namin tungkol sa napabalitang pagpapakasal ni Michelle Van Eimeren sa November. Matagal na raw alam ‘yun ni Ogie at napag-usapan na raw nila ni Michelle ang buong detalye, pero hindi na raw niya puwedeng sabihin ‘yun. Nagtataka nga ito bakit lumabas ang balita. Dapat ay secret daw ‘yun at hindi na kailangang pag-usapan pa, dahil hindi naman daw showbiz si Michelle at ang lalaking pakakasalan nito.

Anyway, masayang nairaos ang 59th anniversary ng GMA 7 at nangako naman ang President at CEO ng GMA 7 na si Atty. Felipe Gozon na mas marami pang kapana-panabik na programang dapat abangan sa Kapuso network.

by Gorgy’s Park