Manolo Pedrosa, wish na magtuluy-tuloy ang loveteam nila ni Maris Racal

Manolo Pedrosa, wish na magtuluy-tuloy ang loveteam nila ni Maris Racal

Manolo-Pedrosa-Maris-RacalSUCCESSFUL ANG premiere night ng pelikulang Stars Versus Me na ginanap sa Cinema 7 ng SM Megamall noong Sabado, May 23. Ito ang launching movie nina Maris Racal at Manolo Pedrosa na idinirehe ni Joven Tan.

Si Manolo, masaya raw na finally ay nagkaroon na sila project ni Maris bilang magka-loveteam. Magkasama man sila sa serye ng ABS-CBN na Oh My G! pero ang bida rito na si Janella Salvador ang love interest niya.

Unang pelikula rin nila ni Maris ito, kung saan first time din nilang makatrabaho ang direktor at songwriter na si Joven Tan.

“Si Direk Joven no’ng hindi ko pa siya kilala, akala ko istrikto,” sabi ni Manolo. “E, no’ng nagsi-shoot na kami… sobrang chill lang. Sobrang saya ng shooting. As in… sobrang relax lang ako.”

Iba raw ang pakiramdam ni Manolo na mapanood ang sarili sa widescreen sa kauna-unahang pagkakataon.

“Sobrang nahihiya ako!” tawa niya. “Siyempre first time kong mapanood ang sarili ko sa malaking screen. So, sobrang nahihiya talaga ako. Pareho kami ni Maris na nahihiya,” tawa ulit niya.

May pressure ba sa kanilang dalawa ni Maris kaugnay ng launching movie nila bilang magka-loveteam?

“Siyempre po. Kailangan din po kasi na may pressure para may motivation na galingan talaga. Siyempre kapag walang pressure, walang… parang chill-chill lang. Kaya dapat may pressure para mas pagbutihin pa talaga.”

Looking forward ba siya na magtutuloy-tuloy na ang pagsasama nila ni Maris bilang magkapareha sa mga susunod pa nilang projects?

“Yes po. Sana!” sabay ngiti ni Manolo.

Natutuwa raw siya na full support ang fans nila ni Maris. Panay nga ang tilian ng mga ito sa mga kilig scenes nila sa pelikula. Inasahan ng ibang tagahanga nila na magkakaroon sila ng kissing scene, pero wala. Bakit nga ba wala?

“E, siyempre po, minor pa lang kami. Bawal pa po kasi, seventeen lang kami. Parang… ‘di ba?” sabay ngiti ulit ng Kapamilya actor.

Kumustang katrabaho si Maris bilang ka-loveteam na niya?

“Sobrang saya. Kasi comfortable na ako sa kanya. Because… ‘yon nga, galing kami sa Bahay ni Kuya (PBB Teen). More than three months kami roon. So, sobrang comfortable. Kilala ko na siya.”

Sa tingin niya, pagkatapos ng first movie nila ni Maris, mapabibilang na sila sa hanay ng mga itinuturing na hottest loveteams sa ngayon? Lalo pa at noong nasa PBB pa lang sila, may mga nabuo na ngang hukbo ng kanilang fans.

“Sa loob ng PBB, hindi namin alam kung ano ang nangyayari outside. So, nagulat po kami ni Maris na paglabas namin, meron na pala kaming mga fans club. And grateful po ako na sobrang loyal ng fans namin. Sobrang solid po.”

Pagkatapos ng Stars Versus Me, may bagong pelikula raw siyang uumpisahan under Star Cinema.

“‘Yong isa po ay ang Bloody Crayons. Makasasama ko po rito sina Jane Oneza at Joshua Garcia. Kasama rin po ako sa Crossroads sa Star Cinema pa rin. Ito po ‘yong movie nina Dawn Zulueta, Richard Gomez, at Bea Alonzo.

“Sana kasunod nito, panibagong project para sa Marnolo (Maris-Manolo loveteam) ulit!” nangiting huling nasabi ni Manolo.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan