Manolo Pedrosa, ‘di takot mapagkamalang bading

Manolo Pedrosa, ‘di takot mapagkamalang bading

Manolo-PedrosaMASAYANG-MASAYA ang former PBB Teen housemate na si Manolo Pedrosa na finally, mabibigyan na siya ng chance na magbida sa isang teleserye ng ABS-CBN. Si Manolo ang isa sa mga leading man ni Janella Salvador sa Oh My G! na malapit nang ipalabas.

“Sobrang excited po ako kasi first time na isa ako sa mga lead. But at the same time, sobrang pressured din po ako sa teleserye at may time na sobrang natatakot na po ako.

“Pinipilit ko na lang isipin na okey lang, pero kinakabahan po talaga ako. Sobrang napi-pressure po talaga ako,” pag-amin pa ng binata nang makausap namin sa syuting ng first indie film na Star Versus Me with Maris Racal, also from PBB, under the direction of Joven Tan.

Kahit heartthrob na maituturing, walang girlfriend ngayon si Manolo. Hindi raw ito ang kanyang priority at wala rin siyang pakialam kahit magkaroon pa ng isyu sa kanyang gender.

“Okey lang po ‘yon. Isyu lang naman, eh. Hindi naman po ako natatakot sa ganyang isyu kasi alam ko naman po ang totoo!” reaksyon agad pa niya.

Inamin din niyang hindi naman siya lapitin ng “tukso” kaya wala raw siyang dapat ipangamba at alam din niya kung paano umiwas dito.

“I learn how to say no po! Pero honestly po, wala naman pong masyadong nag-a-approach na girls sa akin or nag-i-invite. Hahaha!” tsika pa niya.

La Boka
by Leo Bukas