Manny Pacquiao, hirap na makuha ulit ang tiwala ni Jinkee – Cristy Fermin

ADVERTISING

Manny Pacquiao, hirap na makuha ulit ang tiwala ni Jinkee - Cristy Fermin

PAGKATAPOS NG MOTORCADE sa buong GenSan bilang mainit na pagsalubong sa ipinagmamalaki nilang Pambansang Kamao, agad na nagpunta sa Saranggani si Manny Pacquiao. Tagaroon si Jinkee, ang kanyang misis. Mainit ngayon ang pamilya nito kay Pacman dahil sa mainit na mainit na isyung nag-uugnay sa kanila ni Krista Ranillo.

ADVERTISING

Napanood ng pamilya ni Jinkee ang pag-iyak nito nang ganapin ang Thanksgiving Mass sa Las Vegas. Awang-awa ang mga Jamora sa misis ni Pacman, kaya nagsalita ang mga ito na walang suportang maaasahan sa kanila si Manny sa pagkandidato niyang congressman sa Saranggani.

Naging headline sa mga pahayagan ang mukhang pagkakaayos na ng mag-asawa. Pero mas gusto naming paniwalaan ang isang impormanteng malapit kina Manny at Jinkee, nasa proseso pa rin si Pacman hanggang ngayon para makuha ang muling tiwala ng kanyang misis.

“Nagtutulung-tulong kami para magkausap sila nang masinsinan. Twelve hours ang biyahe from LA to the Philippines, magkatabi sila sa upuan. Pero hindi naman sila nagkausap nang maayos dahil tinulugan lang siya ni Jinkee.

ADVERTISING

“Hindi natin masisisi ‘yung ale, masyado siyang nasaktan, ginagampanan nga naman niya nang maayos ang role niya bilang asawa at mother sa mga anak nila, pero ganito pa ang mapapala niya?

“Ang hindi alam ni Manny, may sariling investigating body rin si Jinkee, alam niya ang mga nangyayari. Kaya huwag nang nagdedenay pa si Krista dahil buking na buking na ni Jinkee ang kartada niya,” mariing pahayag ng aming source.

WALA PA SA bansa si Krista at ang kanyang pamilya. Meron daw muna silang aasikasuhing mahalagang personal na bagay du’n sa Amerika. Para sa mas nakararami, mas mabuting du’n na lang muna sila kesa sa makipag-agawan ng atensiyon kay Pacman dito.

Mainit ang marami kay Krista, kahit ang kanyang mga magulang ay may hindi-kagandahang imahe. Lumalabas kasi na kinukunsinti ng mga ito ang ilegal na pakikipagrelasyon ni Krista kay Manny para sa mga biyayang natatanggap nila sa kampeong boksingero.

Kalat na kalat na rin sa YouTube ang pagsasama nila sa black two-door Mercedes Benz ni Manny. Nagtatakip pa ng mukha ang dalaga, pero kilalang-kilala pa rin naman siya.

Mas mabuti na kung mananatili muna sa Amerika ang pamilya. Masasaktan lang sila sa mga komentong bubulaga sa kanilang pag-uwi. Kapag nagdesisyon pang magsalita si Jinkee, lalong malalagay sa alanganin si Krista at ang kanyang pamilya.

Ang nakalimutang isipin ni Krista ay isang personalidad na kumakatawan sa ating bayan ang kanyang natagpuan. Hindi ordinaryong tao si Pacman, kaya sinumang babaeng masangkot sa boksingerong pamilyado na ay siguradong makatitikim ng mala-latigong komento ng publiko.

Simpleng babae pa naman si Jinkee, hindi ito stage wife. Tahimik ang misis ng Pambansang Kamao kaya nakikisimpatya sa kanya ang ating mga kababayan.

At ang lalo pang nagdidiin kay Krista ngayon ay ang nakaraan niyang pakikipagrelasyon kay Michael de Mesa. May imahe na siyang ganu’n talaga. Kaya kung husgahan siya ngayon ng marami ay parang wala nang bukas pa.

Kung tutuusin ay it takes two to tango naman, pareho silang mali ni Pacman sa kung anumang meron sila ngayon. Pero mas nasesentro ang negatibong pokus ng publiko kay Krista Ranillo dahil isang homewrecker ang dating niya.

Masakit ‘yun, a? Kung Pambansang Kamao si Pacman ay Pambansang Kulasisi naman siya?

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

ADVERTISING