Maldita Lover (10)

ADVERTISING

RomancenovelKUNG TEENAGER pa si Carl, malamang ni-lock ng mommy n’ya ang buong bahay at itinago ang mga susi. “Bakit ba uunahin mo pa ang babaeng ‘yun?” sabi ng mommy n’ya. “She’s unhurt, ikaw ang nabugbog.”

“I just want to check on her,” sagot ni Carl. “Baka na-trauma or something.”

“Trauma? Look at your face. Ikaw ang dapat matrauma.”

Kahit anong pigil ng kanyang mommy, nagbihis pa rin si Carl at naghandang umalis. Nguni’t bago pa s’ya makaalis, sinabihan s’ya ng mommy n’ya na dumating si Arianne. “My God!” bungad ni Arianne nu’ng makita si Carl. “Aalis ka raw sabi ng mommy mo? Namamaga pa sa pasa ‘yang mukha mo. At tingnan mo, ‘di ka pa makalakad ng maayos.”

“Si Ritz kasi–”

ADVERTISING

“Bugbog-sarado rin ba ang mukha n’ya? Bali rin ang balakang?”

“E, siyempre baka na-trauma ‘yun.”

“Trauma?”

“Same as my reaction,” biglang sabat ng mommy ni Carl na nanonood pala sa kanila sa may papasok ng living room. “Yes, I understand the fear or the trauma of ng matututukan sa parking lot. But she wasn’t hurt. You’re the one who took the beatings.”

“Ok na ako.”

“Ok?” sabay na reaksyon nina Arianne at ng mommy ni Carl.

Bahagyang natawa si Carl. “P’wede na kayong maging mag-ina. Pati sa pagsasalita sabay pa kayo.”

Hihirit pa sana ang mommy ni Carl nu’ng biglang tumunog ang door bell. Binalingan nito si Arianne. “Hay, naku! Mahirap ‘pag day off ng mga maid. Sino naman kaya itong well wisher ni Carl?”

Sa muling pagpasok ng kanyang mommy, nagulat si Carl dahil kasunod nito si Ritz. “Ritz,” gulat nguni’t tuwang-tuwang bati n’ya. “Upo ka, please. Please. You want juice? Soft drink? Iced tea? Water?”

“Water na lang,” sabi ni Ritz.

Akmang pupunta na ng kitchen si Carl nu’ng pigilan s’ya ng mommy n’ya. “Ako na,” sabi nito. Tiningnan ng mommy ni Carl si Ritz, “Hindi pa magaling ang mga sugat n’ya, e.”

Nu’ng papuntang kitchen ang mommy ni Carl, sumama na rin si Arianne. “Tulungan ko na po kayo, Tita.”

Ilang saglit munang pumagitna ang katahimikan sa pagitan nina Carl at Ritz bago nagkalakas ng loob si Carl na kausapin si Ritz. “Papunta sana ako sa inyo.”

“Ba’t naman ako pa ang pupuntahan mo? Sabi nga ng mommy mo, hindi pa magaling ang mga sugat mo.”

“Wala naman ‘tong mga ‘to. Kung baga, galos lang.”

“Galos? Daig mo na nga ang Intsik sa pamamaga ng black eye mo. Putok pa ang labi mo.”

“Wala, pagaling na rin naman.”

Tinabihan ni Ritz si Carl. “Anong pagaling? E, sariwa pa kaya.”

Naramdaman ni Carl ang daliri ni Ritz na masuyong gumapang sa kanyang mahapding labi.

“Hindi ka raw muna makaka-kiss,” sabi ng babae.

Ang sandaling paglandas ng darili ni Ritz sa labi ni Carl ay nagbigay ng labis na kasiyahan sa lalaki. “‘Eto na naman ako,” sabi ng isipan ni Carl. “Para na naman akong kinikilig na teenager.”

“Sorry ha?” biglang sabi ni Ritz.

“‘Di naman masakit, pagaling na nga. Itong bali ko sa bewang, p’wede mo ring hawakan.”

“Nagjo-joke ka pa, nagi-guilty na nga ako, e.”

“Ba’t ka magi-guilty? Wala ka namang kasalanan.”

“Siyempre, dapat tumawag ako ng tulong. Tumakbo. Naghanap ng ibang tao. Kesa ‘yung wala akong nagawa habang pinapanood kung pa’no ka nila sinasaktan.”

“Gusto ko nga sanang mag-thank you sa ‘yo, e.”

“Thank you?”

“Oo, thank you. Kung iba nga ‘yon, baka tumakbo na at iniwan ako. Pero ikaw, pinili mong maiwan. Ang dating sa akin nu’n, pinili mo akong samahan kahit na baka saktan ka rin nila.”

“Kung kaya ko lang makipagbugbugan, ginawa ko na.”

Natawa si Carl. “Buti na lang pala hindi mo kayang makipagbugbugan, kundi nakakahiya namang ikaw pang babae ang magtatanggol sa akin.”

Muling pumagitna ang katahimikan sa kanilang dalawa. Sa isipan ni Carl, kinakastigo n’ya ang kanyang sarili: “Nakakahiya! Parang pinagduldulan mo pang hindi mo s’ya naipagtanggol. Lampa ka! Lampa!”

Sandali man ang kanilang katahimikan, pakiramdam ni Carl ay napakatagal na ng panahong nagdaan at habang ang mga segundo’y mistulang mahahabang panahon sa kanyang pandama, gumapang ang takot sa kanyang loob. “Ano kaya ang naiisip ni Ritz?” tanong n’ya sa kanyang sarili.

 

(Itutuloy)

ADVERTISING