Makapal ang mukha – to the max!

ADVERTISING

Makapal ang mukha – to the max!

PAGDATING SA PAKAPALAN ng mukha, sertipikadong wala nang kakapal pa kay PO1 Romeo Concepcion. Kapag binaril mo siguro ng kalibre 45 ang mukha ng taong ito, ang bala ay tatalbog lang sa sobrang saksakan ng kapal nito.

ADVERTISING

Noong June 8, nakipagkita si Rose (‘di niya tunay na pangalan) kay Concepcion dahil mayroon daw itong ibinibentang motor.

Matapos mabili ni Rose sa halagang 20 thousand pesos ang ibinibentang motor, agad siyang pumunta sa LTO para ipalipat sa kanyang pangalan ang rehistro. Ngunit la-king gulat niya nang pagsabihan siya sa LTO na peke ang O.R. at C.R. na hawak niya.

At nang tawagan ni Rose si Concepcion para i-paalam dito ang kanyang nadiskubre, sinabihan siya ng pulis na mag-ingat na lang at umiwas sa mga checkpoint kapag minamaneho ang motor dahil peke nga talaga ang mga papeles nito.

ADVERTISING

Halos gumuho ang mundo ni Rose nang marinig niya ang pag-amin mismo ni Concepcion na peke ang mga papeles na ibinigay sa kanya. Pero ang pinakamasaklap sa lahat ay nang sabihin ni Rose kay Concepcion na gusto niyang ibalik ang motor at mabawi ang kanyang pera, katakut-takot na mura ang inabot niya sa balasubas na pulis. Doon na nagsimula ang kalbaryo ni Rose.

Makailang beses sa isang araw na itini-text ni Concepcion si Rose at tinatakot na babaliktarin siya at palalabasin na kinarnap niya ang motor at ipahuhuli siya sa mga kabaro nito.

Ilan sa mga text messages ni Concepcion kay Rose ay hindi puwedeng maipinta rito – hindi papayagan ng editor ng Pinoy Parazzi na mai-print sa espasyong ito dahil sa sobra nang pagkabastos at laswa.

Pero isa sa mga text message ni Concepcion kay Rose na puwedeng mabigyan ng espasyo rito ay ang sumusunod, “Gago pala kayo, peke ang hawak ninyo. Kahit si Jose Rizal puwede ninyong pagawan ng O.R. C.R. Mga bobo kayo. Padampot ko pa kayo sa mga pulis. Mga tanga!”

Sa halip na mahiya at matakot sa kanyang ginawang kawalanghiyaan, si Concepcion pa ang may tapang na pagmumurahin ang kanyang biktima at takutin. Dahil dito, dumulog na si Rose sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT) – isang segment sa newscast na Balitaang Tapat sa TV5, Monday to Friday, 11:30 am – 12:15 pm.

Napag-alaman ng IMKT na itong si Concepcion pala ay dating nakadestino sa Manila Police District Station 5 at nasibak doon dahil sa kasong robbery at extortion. Sa kasalukuyan, siya ay nakalagak sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU) ng NCRPO sa Bicutan.

Siya ay pansamantalang nakalagak ngayon sa RPHAU habang nililitis ang kanyang mga kaso sa MPD. Nangako ang NCRPO sa IMKT na pabibilisin nila ang paglilitis sa panibagong kaso ni Concepcion para sa agarang pagkaka-dismiss sa serbisyo ng walanghiyang ito.

 

Ang inyong SHOOTING RANGE ay napapakinggan din sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes-Biyernes, 2:00-4:00 pm sa programang WANTED SA RADYO (WSR). Kasabay na napapanood din ang WSR sa Aksyon TV sa Channel 41.

Napapanood din ang inyong SHOOTING RANGE sa programang WANTED sa TV5 tuwing Biyernes pagka-tapos ng Aksyon Journalismo (late night news).

Para sa inyong mga sumbong at reklamo, mag-text sa 0917-7-WANTED o 0908-87-TULFO.

Shooting Range
Raffy Tulfo

ADVERTISING