MAKAKALIPAD PA BA? Direk Jerrold Tarog, nilayasan na rin ang Darna

MAKAKALIPAD PA BA ang makabagong Darna o mananatili na lang ito bilang isang alaala?

‘Yan ang tanong ng ilang fans ng Darna na ilang taon na rin naghihintay sa muling paglipad ng iconic Pinay superhero nang kumpirmahin ng Heneral Luna and Goyo director na si Jerrold Tarog na kumalas na ito sa Darna project.

MAKAKALIPAD PA BA? Direk Jerrold Tarog, nilayasan na rin ang Darna
Jerrold Tarog and Jane de Leon

Matatandaan na around 2014-2015 pa nag-umpisa ang pre-production ng Darna: The Movie na dapat sana’y pagbibidahan muli ni Angel Locsin. Aminin man ninyo o hindi, ang paglipad ni Angel Locsin bilang Darna sa GMA-7 ang nag-angat sa karera ng aktres at sa ratings ng Kapuso Network noon.

Si Marian Rivera naman ang huling lumunok ng bato noong 2009 na lalong nagpataas din sa kasikatan ng Kapuso Primetime Queen at maging ang ratings ng GMA Telebabad.

Sadly, nagkaroon ng problema sa kalusugan ni Angel Locsin kaya si Liza Soberano na ang napisil ng Star Cinema bilang Darna ng bagong henerasyon. Nag-training ito, ngunit kinailangan niyang mag-backout nang magkaroon ito ng finger injury, na ikinalungkot ng kanyang mga fans.

Idagdag pa ang pagkalas ni Erik Matti sa Darna project due to creative differences. Si Jerrold Tarog naman ang sumalo, inayos muli ang istorya at napili si Jane de Leon bilang bagong Darna.

Hanggang sa nagkaroon ng Covid-19 pandemic. Malungkot na ibinalita sa media na hindi na matutuloy ang Darna: The Movie. Nabuhayan naman ang loob ng mga umaasa pa rin sa proyekto nang kumpirmahin ng ABS-CBN na gagawing TV series ang Darna.

Dahil sa announcement na ito, natural lang na humingi ng updates ang mga sabik na fans sa direktor nito. Hindi nila inaasahan ang pag-atras nito sa proyekto.

“Hey @JerroldTarog! Are you still attached to the Darna series? Since we didn’t get any information if the same creative team is still attached,” tanong ng isang fan.

Sagot ni Direk Jerrold, “Unfortunately, I’m not going to be involved in the TV series due to scheduling conflicts. But some doors remain open regarding my future involvement in the Ravelo universe. We will see. For now, I wish ABS-CBN  & Jane de Leon all the best. Let’s continue to support them.”

Sino kaya ang pangatlong direktor na lulunok ng Darna project? Matutuloy pa ba ang paglipad ni Darna?