Maja Salvador, magpapainit sa kalalakihan sa bagong serye

Maja Salvador, magpapainit sa kalalakihan sa bagong serye

Maja-SalvadorFIRST QUARTER pa lang ng 2015 pero ang ganda na kaagad ng nangyayari sa career ni Maja Salvador. Muli siyang kinuha ng Sisters Sanitary Napkin para sa bagong campaign nila na tinawag na “Omnibus” na ikakalat sa pamamagitan ng social media at iba’t ibang web sites.

Bukod sa endorsement, solong babaeng bida rin si Maja sa teleseryeng Bridges of Love ng ABS-CBN na magsisimula na sa March 16 at ipapalit sa Two Wives.

“Sobrang dami ng blessings kaya sobra rin talaga akong nagpapasalamat kay Lord,” masaya niyang pahayag.

Gagampanan ni Maja sa serye ang role ng isang star dancer. Gusto sana niyang magpunta ng Pegasus para obserbahan ang buhay ng mga totoong star dancer ng club, pero hindi na niya ito ginawa dahil galing mismo ng Pegasus ang kanyang make-up artist.

Bilang star dancer, kailangan ni Maja na gumiling at kumadyot-kadyot sa kanyang mga eksena habang pinanonood ng mga tao. “Madali lang namang sumayaw, ang medyo mahirap ay ‘yung dapat inaakit ko sa pagsayaw ko ang mga tao. Dapat kasi, mahumaling sila sa akin,” paliwanag ng aktres.

Inamin din ni Maja na si Anne Curtis ang first choice for Bridges of Love. Kaya lang, may Dyesebel daw ito nu’ng time na ‘yon. “Ang mahalaga naman, sa akin napunta, ‘di ba? Wala akong pakialam kahit pa second choice lang ako,” katwiran pa niya.

Kasama ni Maja sa Bridges of Love sina Jericho Rosales, Paulo Avelino, Edu Manzano, at Carmina Villarroel.

La Boka
by Leo Bukas