Mahal, pinakinabangan ang pagkamatay ni Jimboy Salazar

Mahal, pinakinabangan ang pagkamatay ni Jimboy Salazar

Mahal-Jimboy-SalazarMATAAS ANG rating ng Startalk namin nu’ng nakaraang Sabado dahil curious yata ang mga manonood sa kuwento ni Jimboy Salazar.

Kinumpirma na ngang sumakabilang-buhay na si Jimboy nu’ng nakaraang Biyernes ng umaga, pagkatapos lang siyang interbyuhin ng Startalk.

Huwebes ng hapon yata siya na-interview ng Startalk na sabi ng reporter namin, nakaaawa na raw ang kalagayan ng dating miyembro ng That’s Entertainment.

Marami nga ang naawa sa kalagayan niya, pero mabuti at hindi ipinakita nang mabuti ng Startalk ang itsura niya, dahil talagang hindi na siya okay.

Malakas pa rin ang duda ng karamihan na may AIDS ito, pero itinatanggi ito ni Jimboy.

Kahit ang kanyang inang si Delia Sta. Maria ay naniniwala na iba ang sakit ng kanyang anak.

Pinatingnan nga ito sa albularyo dahil ang duda nila, kinulam siya. Sabi ni Jimboy, may nagsasabi raw na isang bading na nakaaway niya ang nagkulam sa kanya, pero pinatawad na raw niya ito.

Doon sa interview ay humingi na rin siya ng tawad sa lahat ng nakaaway niya at ang nagkaatraso sa kanya.

Umiyak na ito nang nabanggit ang That’s Entertainment dahil na-miss na raw niya ito, lalo na si Kuya Germs.

Malungkot nga si Kuya Germs nang nakausap ng Startalk dahil nakitaan naman daw niya noon ng kabutihan si Jimboy nu’ng active pa ito sa That’s.

Pero napag-uusapan din ng mga reporters pagkatapos nilang mapanood ito sa Startalk, napaplastikan daw sila kay Mahal nu’ng na-interview ito.

Umiiyak ito nang hiningan siya ng mensahe para kay Jimboy. Nu’ng may sakit pa si Jimboy, ayaw niyang magsalita dahil galit daw siya sa dati niyang nakarelasyon.

Kuwento nga ng isang reporter, nu’ng sinabihan daw niya si Mahal tungkol sa kalagayan ni Jimboy, natawa lang daw ito.

Nitong huli nga na interbyuhin siya sa pagkamatay ni Jimboy, humingi pa sila ng honorarium, ha!

At least, napakinabangan pa nila ang pagkamatay ni Jimboy. Hay, naku!

Sa mga nagtatanong kung saan nakaburol si Jimboy, nasa isang chapel daw ito sa Kamias, San Miguel, Bulacan na kung saan doon nakatira ang kanyang ina.

 

HINDI PALA mapapanood ngayong araw ang pilot episode ng bagong drama series ng GMA 7 na Buena Familia.

Ibibigay muna ang oras na ‘yun sa SONA ni Pres. Noynoy Aquino. Kaya bukas pa mapapanood ang pagsisimula ng Buena Familia.

In fairness naman dito kay Kylie Padilla, marami talaga ang gustong mapanood siya. Tuwing may story kami tungkol kay Kylie, nagri-rate talaga ito. Kaya inaasahang maganda rin ang rating ng Buena Familia na pagbibidahan ni Kylie, kasama sina Julie Anne San Jose, Martin delo Rosario, at Jake Vargas.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis