Lyca Gairanod naimpluwensiyahan ni Sarah Geronimo na lumipat sa Viva

Leo Bukas

NASA pangangalaga na ng Viva Artists Agency ang dating child star at kauna-unahang The Voice Kids grand champion noong 2014 na si Lyca Gairanod.

Ayon kay Lyca, may kinalaman ang coach niya sa The Voice Kids na si Sarah Geronimo sa desisyon niyang magpa-manage sa Viva.

“Nagu-usap usap pa rin po kami ni coach, eh, [hanggang] ngayon. Nagbabalitaan po kami sa isa’t isa, kung kumusta na po kami.

Lyca Gairanod naimpluwensiyahan ni Sarah Geronimo na lumipat sa Viva
Lyca Gairanod

“Sinabi po sa akin ni Ate Sarah na kung gusto ko raw po mag-Viva, magsabi lang daw po ako sa kanya. Siyempre po malaking opportunity na po yon sa akin na sinasabi niya po na  gusto niya rin po akong maging part po ng mga concerts niya. So parang mas naengganyo po ako na bumalik po talaga,” kuwento ni Lyca sa virtual conference na ipinatawag ng Viva few days ago.

Hindi na rin daw masyadong bibirit si Lyca ngayong nasa Viva na siya.

“Yung Lyca po kasi dati is parang more on Aegis, more on birit birit. Siguro po ngayon, ano tayo ngayon, eh. Puro soul. Kasi alam naman po natin na talagang mas maganda po talaga ‘yung nanggagaling talaga sa puso. Gusto ko po na maipresenta ako sa panibagong tunog,” lahad pa ng dalaga.

Dagdag pa niya, “Gusto kong mahasa sa pag-acting at sa pagkanta. Gusto kong mas ma-enhance ang career ko ngayon na nandito na ako sa Viva.

“Hindi ko akalain na magkakaroon pa ako ng ganitong opportunity sa Viva. Gusto kong maipakita ang best ko. Magsisimula po ako ulit.”