Lorna Tolentino, hindi niligawan ni Willie Revillame – Cristy Fermin

Lorna Tolentino,  hindi niligawan ni Willie Revillame - Cristy Fermin

Lorna Tolentino,  hindi niligawan ni Willie Revillame - Cristy FerminDAPAT SANA’Y MAGSASALITA na ang isang personalidad tungkol sa naging miserableng buhay niya nu’ng nakaraang hagupit ni Ondoy, pero maagap ang kaibigan niyang nakalinya sa pagbebenta ng bahay at lupa, pinigilan siyang magbigay ng anumang pahayag sa telebisyon.

Lubog ang bahay ng personalidad, wala siyang nailigtas sa unang palapag ng kanyang bahay dahil tulog na tulog siya nu’ng kasagsagan ng bagyo, paggising niya ay naglulutangan na ang kanyang mga kagamitan at wala nang pag-asang mapakinabangan pa ang mga kasangkapan niya dahil ilang oras nang nakababad sa baha.

Sabi ng aming source, “Kundi pa nawalan ng kuryente at napansin niyang mainit na sa kanyang kuwarto, hindi pa niya malalaman na may nangyayari na palang kalamidad.

“Nu’ng bumaba siya ng bahay, halos abot na sa second floor ang tubig, nagulantang siya, pero wala naman siyang magawa,” sabi nito.

Walang kasama sa bahay ang pesonalidad, live-out ang kanyang kasambahay, nagpupunta lang ito sa kanyang bahay sa umaga at umuuwi rin sa hapon.

Tumawag ang personalidad sa kanyang mga kaibigan, nalaman ng mga ito ang nangyari sa kanya pero ang problema ay pare-pareho naman silang nalubog sa baha, kaya hindi sila puwedeng magtulungan.

Iniyakan nang husto ng personalidad ang naganap sa kanyang mga ari-arian, wasak na wasak ang unang palapag ng kanyang bahay, pinasok ‘yun nang napakakapal na burak at buwan pa ang bibilangin bago bumalik sa dati ang itsura nito.

Kumalat sa showbiz ang kuwentong lumubog ang bahay ng personalidad, pero walang anumang video na lumabas, hindi rin siya nagpainterbyu sa anumang news program.

Ang dahilan, isang kaibigan niyang nagba-buy and sell ng bahay ang nagpayo sa kanya na manahimik lang, huwag na huwag siyang magsasalita tungkol sa bangungot na hatid ng baha at bagyo, dahil mahihirapan na silang ialok-ibenta ang bahay sa mga interesadong magdagdag ng propyedad.

“’Yun ang payo sa kanya ng friend niyang broker, huwag na huwag siyang magkukuwento tungkol sa nangyari sa bahay niya nu’ng baha, dahil maibenta man nila ang house and lot, babaratin lang ‘yun.

“Ipinaaayos na nila ang bahay ngayon, total renovation ang kailangan, dahil talagang winasak ‘yun ng baha. Meron na silang buyer, titingnan na ang bahay next week pagdating nu’ng buyer mula sa Amerika, walang alam ‘yung bibili na ang iniaalok na bahay sa kanya, e, pinasok pala ng baha na lampas-tao,” kuwento ng aming impormante.

Magaling na singer ang may-ari ng bahay, may kani-kanyang bahay na ang kanyang mga anak na artista rin, kaya siya na lang ang mag-isang nakatira sa dati nilang bahay sa isang kilalang subdivision.

MABUTI NAMAN AT nilinaw na ni Lorna Tolentino ang kalokohang isyung lumabas na diumano’y pinadalhan daw siya ng bulaklak at chocolates ni Willie Revillame.

Sa pagpapaliwanag ni LT ay halatang-halata na wala siyang interes sa kuwento, inamin niyang magkaibigan na sila ni Willie kahit nu’ng nabubuhay pa si Rudy Fernandez, pero ang kanilang pagkakaibigan ay hindi kailanman nahaluan ng ligawan.

Kung tutuusin ay wala naman talagang ganu’ng senaryo, hindi nililigawan ni Willie ang aktres, kahit sa biro lang ay hindi naman nagparamdam sa kanya ang host ng Wowowee.

Ang pinag-ugatan ng isyu ay si Kris Aquino, ito ang nagpahayag sa ere na nililigawan daw ni Willie si LT, isang istoryang produkto lang ng taklesang bibig ng aktres-TV host na parang nilangisan ang dila sa kadulasan.

Sanay na naman ang publiko kay Kris, magsasalita ito ng kung anu-ano sa ere, pagkatapos ay saka ito magso-sorry.

Sana’y maisip din paminsan-minsan ni Kris na sa sobrang pagwawala ng kanyang dila ay maraming tao ang naaapektuhan, may mga magkakaibigang nagkakailangan na tuloy, dahil sa wala sa tiyempo nitong kadaldalan.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin