Lorna Tolentino at Gabby Concepcion, sobrang sipag mag-promote ng pelikula

Lorna Tolentino at Gabby Concepcion, sobrang sipag mag-promote ng pelikula

Lorna-Tolentino-Gabby-ConcepcionWALA KAMING masabi kina Gabby Concepcion at Ms. Lorna Tolentino sa sipag nilang mag-promote ng pelikula nilang Crazy Beautiful You na pinagbibidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na dinirek ni Mae Cruz- Alviar. Halos lahat na yata ng TV show ng ABS-CBN ay mapapanood mo sila. Maging sa Facebook account nila ay bubulaga ang mga kuha nila together na nagse-selfie sa kani-kanilang cellphone para i-promote ang kanilang movie under Star Cinema.

Mas bongga pa ngang mag-promote sina Gabo at L.T compared kina Daniel at Kath. Aakalain mo nga, sila ang bida ng pelikula kahit ama’t ina ng Teen King at Teen Queen ang role nila sa nasabing pelikula. May nagsasabing kampante raw ang dalawang teenstars na kikita ang kanilang pelikula, kaya ganu’n na lang sila ka-confident magiging blockbuster ang movie nila. Huwag pakasisiguro, baka for the first time makatikim sila ng flop sa takilya, huwag naman.

Tuwang-tuwa ang Star Cinema sa suportang ibinibigay nina Gabby at Ms. Lorna kina Daniel at Kathryn. Naniniwala kasi sila sa chemistry ng dalawa dahil mismong sila ay kinikilig tuwing nakikita nila ang mga itong nagkukulitan behind the scene. “May magic ang loveteam nina Daniel at Kathryn kaya marami silang fans na all out support sa kanila. Masasabi kong perfect sila together, nakakatuwa silang pagmasdan at nakade-deliver sila nang tama pagdating sa mga eksena namin. Maging si Direk Mae hindi nahirapang i-direk silang dalawa. Happy akong tinanggap ko ang pelikulang ito, maganda ang naging resulta,” say ni Ms. Lorna T.

Maging si Gabby ang bilib sa tandem nina Daniel at Kathryn dahil nasaksihan niya kung gaano iniidolo ng mga fans ang KathNiel. Dumarayo pa ang mga fans sa shooting location nila sa Tarlac para personal nilang makita at makausap ang kanilang idolo. Nagpapaunlak naman sina Daniel at Kath sa mga fans na magpakuha ng picture at mag-sign ng autograph sa mga ito. Well, sa ganda ng takbo ng istorya at sa mga romantic adventure ng dalawa, sigurado kaming masisiyahan ang manonood.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield