Lola Tess kay Jake Zyrus: ‘Charice, bakit mo ako ginanito’

Leo Bukas

WALANG cellphone ang lola ni Charice Pempengo a.k.a. Jake Zyrus na si Tess Pineda. Pero dahil sa tulong Mukbangers On The Road ay nai-video ang panawagan ng matanda.

Umapela si  Lola Tess ng tulong kina Raffy Tulfo, Jessica Soho at Boy Abunda.

Sabi niya sa video, “Magandang umaga po, Sir Tulfo, Ma’am Jessica Soho, kay Boy Abunda… Ako po ay lumalapit sa inyo, humihingi po ng kaunting tulong.

Lola Tess kay Jake Zyrus: 'Charice, bakit mo ako ginanito'
Tess Pineda

“Hinatid po ako dito ng apo ko. Ako po si Tess Pineda, kilala po bilang lola ni Charice Pempengco. May sakit po ako, ang BP ko po lagi tatlong araw na, 160/100.

“Puwede po ba akong matulungan makapagpa-check-up man lang ako? At kung maaari po sana nang makatulong ako sa taong nag-aalaga sa akin, gusto ko pong magkaroon ng makina para makapanahi kahit paunti-unti. Kaysa po ako’y lagi na lang nakaupo, nakatanga, nag-aalala sa pamilya, nag-iisip.”

Si Lola Tess ay kinukupkop ngayon ng isang concern citizen sa Sta. Rosa Laguna.

Lahad pa ng 74-year-old na lola, hindi raw siya tinutulungan ng kanyang anak na si Racquel Pempengco at apong si Jake.

“Hindi po ako naalala ng pamilya ko. Lumalapit po ko sa inyo, humihingi ng tulong, makina po at pinansiyal para mapa-check up ko po yung mata ko,” tila naninik-luhod niyang pakiusap.

Patuloy niya, “Nito pong nagdaang taon ako po ay na-istroke sabi ng doktor napatiran daw po ako ng ugat sa ulo, sa batok. Pero pinilit ko pong maka-recover. Wala na po kasi ako mapagbili ng gamot. Gusto ko pong maghanapbuhay kahit konti, kumita kahit konti.

“Wala na po akong makina, binenta na nilang lahat. Hindi naman po ako sinusustentuhan kahit piso.”

Nilinaw din ng lola ni Jake na nagpa-video siya hindi para magpaawa.

Lola Tess kay Jake Zyrus: 'Charice, bakit mo ako ginanito'
Jake Zyrus

“Hindi po ako nagpapahabag. Masama ang pakiramdam ko po kung minsan ako’y nakatayo at bigla akong napapaluhod.

“Charice, bakit mo ako ginanito anak? Yung ibang tao binubuhay mo, pinakakain mo. Pero ang lola mo kahit piso hindi mo naaalala?

“Kung ako ay naging masamang ina, kung ako ay naging masamang lola, sa akin pa rin kayo nagmula,” lumuluhang pahayag ni Lola Tess.