LJ Reyes, buntis kay Paulo Avelino?!

LJ Reyes, buntis kay Paulo Avelino?!LJ Reyes, buntis kay Paulo Avelino?!Medyo nakadududa nga ang pananahimik ni LJ Reyes tungkol sa isyung buntis ito dahil hanggang ngayon, hindi pa rin niya ito sinasagot.

Kasi naman parang nahalata kay Paulo Avelino nang in-interview ito ng Showbiz Central na parang nagbago ang mukha at halatang nairita ito sa tanong ng reporter na baka matsismis na buntis si LJ kung aalis nga ito pa-Amerika at medyo matagal-tagal daw itong mawala.

Naalala ko pa nu’ng nag-Starstruck kami na naikuwento ni Paulo na balak nga raw mag-Amerika ni LJ dahil magpapagamot daw ito sa sakit niya.

Hindi ko na maalala kung ano ‘yung sakit pero du’n daw muna ito sa Mommy niya sa New York.

Wala naman sa isip namin na baka nga buntis dahil una, deny naman nang deny ang dalawa na sila na, pero nakikita naman naming sweet sila sa isa’t isa.

Pero nang tinanong ng taga-Showbiz Central si Paulo tungkol sa isyung baka buntis, medyo irita ito sa sagot niyang ayaw daw niyang magsalita tungkol diyan dahil ayaw raw niyang makasakit ng ibang tao. Ano naman ang ibig sabihin nu’n?

Pagkatapos pa raw ng interbyung ‘yun ay nag-post daw ito sa Twitter account niya na “I’m pissed off”.

Nadagdagan pa ang pagdududa nang may mga nakakita sa kanila nu’ng last Holy Week na magkasama sila sa Baguio at kapansin-pansin daw na medyo may kalakihan ang tiyan ni LJ. Parang buntis daw ang hitsura, lalo na’t sinabi ng mga taga-GMA Artist Center na indefinite leave daw si LJ.

Ang alam ko, kinausap na si LJ ng ilang taong malapit sa kanya at siguro, magka-kaalaman na kung ano talaga ang totoo.

Sasagutin naman daw ito ni LJ at baka pati na rin si Paulo dahil kung totoo, tiyak na siya ang pagdudahang nakabuntis.

Abangan n’yo na lang iyan sa Startalk dahil tinututukan namin iyan para magkaalaman na kung ano talaga ang totoong kuwento.

ITO PALANG  si Carl Guevarra ay sinasabi raw ng ibang taong nakatrabaho niya na madaling ma-in love.

Pagkatapos ng break-up nila ni Daiana Menezes, may mga ilang girls itong nakaka-date pero wala naman siyang niligawan.

Nang nakasama niya sa Dear Friend si Jennica Garcia, parang nadi-develop na ito at balak na raw sanang ligawan ang dalaga pero hindi rin natuloy. Pinagsasabihan kasi ito ng ilang taong malapit sa kanya na pag-aralan muna niya nang mabuti bago siya manligaw at baka gusto lang nitong kalimutan si Daiana na nakamabutihan naman ni Shivaker.

Ngayon naman ay kasali na si Carl sa The Last Prince at tinitiyak ng mga close friends niya na mai-in love ito kay Kris Bernal.

Naku day! Tiyak na si Aljur Abrenica ang unang magre-react.

Makaka-triangle pa naman nila ito sa The Last Prince kaya abangan na lang natin kung liligawan ni Carl si Kris.

Ito namang kasi si Aljur, hindi pa kumikilos at pawang pa-sweet lang kay Kris. Hindi pa totohanin ang pag-iibigan nila sa The Last Prince. Baka mamaya, maunahan pa nga iyan ni Carl. Tingnan na lang natin!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis