LJ Reyes binasag na ang katahimikan sa hiwalayan nila ni Paolo Contis

BINASAG NA sa wakas ng award-winning actress na si LJ Reyes ang kanyang katahimikan tungkol sa nakakabiglang hiwalayan nila ng longtime partner na si Paolo Contis.

Sa pamamagitan ng The Boy Abunda Channel ay mangiyak-ngiyak na nilinaw ni LJ ang mga balitang mutual ang paghihiwalay nila ni Paolo, na unang sinabi ni Lolit Solis, na manager naman ni Paolo.

LJ Reyes binasag na ang katahimikan sa hiwalayan nila ni Paolo Contis
LJ REYES | Paolo Contis and LJ Reyes

Paglilinaw niya, “Hindi siya mutual. Kasi naniniwala ako na kapag mutual ang isang desisyon, ito ay pareho kayong sumasang-ayon na hindi na nagwo-work ‘yung relationship,”

“Matagal ko nang nararamdaman na nakahiwalay na siya sa amin. Ramdam na ramdam ko po ‘yun. Honestly, ako po ang nagsabi na parang nasa ibang mundo na siya,” pag-amin pa niya.

Dito ay ibinahagi na rin ni LJ na noon ay home buddy ang kanyang partner, pero nag-umpisa itong lumabas ng madalas late last year.

Nang i-confront naman niya ang ka-partner kung may problema ba sila, lagi itong itinatanggi at sinasabing ‘akala mo lang ‘yun’.

Kalaunan ay may mga concerned friends si LJ na sinasabing may mga sightings kay Paolo, na itinanggi naman ng lalaki.

“It came to a point na friend of a friend na po — as in close friend. ‘Pag babae ka alam mo ata talaga at parang kahit sinong nagmamahal, alam mo,” aniya.

Nang muling tanungin ni Boy Abunda kung ang mga impormasyong kanyang nakalap ba ay totoo, sinabi ni LJ na may mga ebidensya siya sa mga nadiskubre niyang revelations tungkol kay Paolo.

“Natatakot akong kausapin siya kasi pakiramdam ko totoo ‘yung sinasabi niya sa ‘kin pero marami ako malaman na ‘di totoo. Ayokong ma-manipulate ‘yung alam kong facts,”

“I can’t be wrong. Siguradong sigurado po ako. Marami na ko nakausap na nagpakita sa ‘kin ng katotohanan kung paano siya ‘pag nakatalikod ako.”

Inamin din ni LJ na siya na ang nagpakumbaba at sinubukang salbahin ang relasyon nila (six years na silang nagsasama) alang-alang sa mga bata (Aki at Summer), pero desidido na raw si Paolo na putulin na ang ugnayan niya kay LJ at sa mga anak nila (for the longest time ay si Paolo Contis na ang tumayong ‘father figure’ kay Aki).

“Umabot sa point na nag-break na po kami. After a few days, na-realize ko na ‘di pwede ganito. Nagbaba ako ng pride kahit ako ‘yung nasasaktan. Inisip ko baka kailangan nila ng complete family. Tinanong ko siya, ‘if you want to take us back.’ Pero hindi na raw,” naiiyak pa niyang kuwento.

Nang tanungin muli ni Boy Abunda kung may third party ba, nanahimik lang ito kaya hindi na piniga pa ng talk show host.

 

Nagbigay rin ng pahayag si LJ tungkol sa sinabi ng manager ni Paolo na si Lolit Solis na na-outgrow lang daw nila ang isa’t isa.

“Grabe ‘yung kapit ko the past several months. Minsan iniisip ko kung ito pa ba ‘yung tama para sa mga anak ko. I was holding everything together. Umabot na nakakalbo ‘yung kilay ko… Kumapit po ako. Kung walang bata, okay lang. ‘Di ko ipipilit sarili ko,” sambit pa niya.

Nakakapanghinayang naman ang sinapit ng relasyong Paolo at LJ, na noong kasagsagan ng pandemya ay kinagiliwan ng mga tao ang kanilang family vlogs. May artistang itinuturong third party, pero wala pa itong kumpirmasyon.

Si LJ Reyes ay kasalukuyang nasa New York kapiling ang mga anak na sina Aki at Summer. Doon muna sila mamamalagi kasama ang immediate family.

To LJ, be strong. To Paolo, what happened to you?!