Liza Soberano umeksena sa ‘The Baddest’ music video ng BGYO

HABANG tumatagal ay lalong bumobongga ang mga paandar ng fast-rising Pinoy Pop boyband na BGYO. Dumarami na rin kasi ang mga nagkakainteres sa banda kaya naman kailangan na rin na mag-level up ng kanilang mga music video releases.

Noong Biyernes ay inilabas nila ang music video para sa kanilang astig na kanta na ‘The Baddest‘. Produced by YouMeUsMNL, makikita ang mga miyembro ng grupo na sina Gelo, Akira, JL, Nate, at Mikki bilang agents na may iba’t field of expertise na nirekrut sa Ace Elite Secret Service at makakatunggali ang isang cyber creature.

Naaliw ang mga fans dahil isang ‘girl boss’ ang lumabas. Ito ay si Binibining Haliya, na ginampanan ni Liza Soberano.

Malakas ang ‘Trese’ vibes ng karakter ng dalaga sa music video. Dahil sa pinagsamang puwersa ng BGYO at Liza Soberano fans ay nagtrending ang paglabas ng music video ng The Baddest. Ngayong weekend ay umarangkada na rin sa iba’t ibang streaming sites ang kanta at as of writing ay may 462,000+ views na ang music video nito sa YouTube at pang-anim sa Most Trending videos. Astig!

Ang BGYO ay ang boyband project na binuo mula sa Star Hunt Academy. Dalawang taon ang training ng mga miyembro. Nakatakdang ilabas ang kanilang first full-length album bago matapos ang taon.