LETTER TO SELF! Jerald Napoles may paalala sa sarili sa muling pagtaas ng covid-19 cases

Leo Bukas

SINULATAN ni Jerald Napoles ang kanyang sarili at ipinost niya ito sa kanyang Instagram account dahil naalarma siya sa sunud-sunod na muling pagtaas ng covid-19 cases sa bansa. Si Jerald ay contract star ng Viva artist at napapanood bilang isa sa judges ng Versus segment ng It’s Showtime pansamantalang suspendido at live airing ngayon.

March 21 nang i-post ni Jerald ang kanyang “letter to self.”

LETTER TO SELF! Jerald Napoles may paalala sa sarili sa muling pagtaas ng covid-19 cases
Jerald Napoles

“Linggo, maganda sikat ng araw, palabas ka na pero naisip mo. Mataas ang covid cases, dumadami rin ang nahihirapan dahil sa pandemya, may pamilya kang inaalagaan at sinusuportahan.

“May matatanda at bata sa bahay. Mahal ang gastos pag may sakit. At higit sa lahat ayaw mo mahawa di ba. At ayaw mo rin maka sagap ng virus at dalhin sa tahanan,” lahad ni Jerald.

Aminado ang boyfriend ni Kim Molina na talagang bored na siya dahil sa lockdown pero wala naman daw siyang magagawa. Mas okey na raw na mag-stay na lang sa bahay kesa mahawahan at makahawa ng virus.

“Alam ko matagal ka na naiinip, napapagod ka na mag tiis. Pero sa mga oras na to. Sarili mo na lang din ang aasahan mo sa krisis na to. Ikaw na lang rin ang tutulong sa sarili mo, isa pa, gagastos ka rin sa labas. Wala ka rin gagawin sa pupuntahan mo,” mensahe niya sa sarili.

Patuloy ni Jerald sa kanyang sulat sa sarili, “Bahay ka na lang muna. Pag pahingahin mo na rin ang sarili mo sa facemask. Nakaka irita rin mag bitbit ng face-shield.”

LETTER TO SELF! Jerald Napoles may paalala sa sarili sa muling pagtaas ng covid-19 cases
Jerald Napoles

Pinaalalahanan din niya ang sarili na sa ganitong sitwasyon na dumaranas ng malawakang health crisis ang bansa ay dapat isipin at ingatan ang mga minamahal sa buhay para hindi sila magkasakit.

“Tignan mo mukha ng mga mahal mo. Ikaw kasi malakas ka, eh sila matitiis mo ba sila? Kakayanin mo bang mag hirap sila? Oh di ba,” ani Jerald.

Sa last part ng letter to self ni Jerald ay ibinahagi din niya na ang parking lot ang kanyang ginagawang hang-out place o tambayan ngayon. At  least, dito raw ay wala siyang nakakasalamuhang mga tao.

“Iniisip lang kita. Iniisip ko lang ang sarili ko. Iniisip ko lang rin tayo. Isipin mo mga mahal mo,” huling post ng aktor.