KZ Tandingan, nakakaumay ang pinagsasasabi sa mga TV show

ADVERTISING

KZ Tandingan, nakakaumay ang pinagsasasabi sa mga TV show

KZ Tandingan, nakakaumay ang pinagsasasabi sa mga TV showTULUY-TULOY LANG at dapat paninindigan ng mga produkto ng X Factor Philippines ng ABS-CBN ang kanilang pagsisikap na pagkatapos ng nasabing contest na kanilang sinalihan ay magmarka sila sa mga tao nang hindi na nakadikit ang kanilang mga pangalan sa pa-ngangalaga at pag-aangat sa kanila nina Pilita Corrales, Martin Nievera, Gary Valenciano, Charice Pempengco at ni KC Concepcion.  Kilala na kasi ng masa sina KZ Tandingan, Kedebon Colim, Gab Maturan at ang grupong Daddy’s Home.

Bilang patuloy na pagpapakilala sa kanila ay isinasalang na sila sa mga programa ng Dos. Sa kanilang lahat, ang grupong Daddy’s Home ang laging nakakaaliw, dahil kakaiba ang hagod ng kanilang mga boses kapag sila’y kumakanta. ‘Yang sina Kedebon at KZ ay medyo mahirap pang pakawalan na isalang sa mga programa, dahil nakakaasiwa ‘yung kanilang mga pinagsasasabi.

Minsan ay nag-guest si KZ sa Umagang Kay Ganda at tinanong siya ni Iya Villania kung ano na raw ang mga nagbago pagkatapos niyang manalo? Sagot ni KZ: “Masaya po, dahil nakakasama ko na ngayon ‘yung mga dating napapanood ko lang!” Sumunod, nag-guest si KZ sa Sarah G. Live! at tinanong siya ni Sarah Geronimo kung kumusta na pagkatapos niyang manalo. Sagot ni KZ: “Masaya po, lalo na ngayon, makaka-duet ko po kayo!”

Naku naman, KZ, tama na ang mga ganyang sagot. Nakakaumay na ang mga sinasabi mo. Tama na ang sobrang pagpapakababa, dahil iba na ang sitwasyon mo ngayon, dahil nanalo ka na nga. Eventually naman, ganyan talaga ang mangyayari, na kahit sinong sikat ay pupuwede mo nang makasama ngayon, dahil winner ka.

ADVERTISING

Kung sina Pilita, Martin, Gary at Charice ay nakasama mo, sumalang ka lang sa programang ASAP ng Dos ay ang dami-dami mong mga sikat na mang-aawit na makakasama. Galingan mo na lang ang patuloy pang pagpapakita ng talent mo, pero huwag ka lang yumabang patungo sa kasikatan kung saan ka makakarating.

 

SOBRANG NAKABIBILIB si Lotlot de Leon, dahil matagal na pala siyang mayroong komunikasyon sa tunay niyang mga magulang, pero hindi naman niya iyon ikinukuwento habang pinaplantsa pa talaga ang mga gusot patungo sa tuluyang pagkilala sa kanya ng mommy’t daddy niya. Ngayon na lamang siya nagsalita nu’ng wala na talagang hadlang para maisa-tinig niya ang lahat.

Ang lungkot kasi ng dinaanan ni Balot, kahit sabihin pang Superstar ang dakilang tao na umampon  sa kanya. Kasi nga, buong showbiz at ang mga tao sa buong Pilipinas ay halos nakakaalam na siya’y ampon.

Kapuri-puri rin naman si Nora Aunor, dahil musmos pa lang si Lotlot ay hindi niya hinayaang sa bibig pa ng ibang tao madinig ni Lotlot kung papaano siya dumating sa buhay ng Superstar. Kasi nga, hindi pupuwedeng mailihim na siya’y ampon, dahil ang dating tsika na manyikang si Maria Leonora Teresa lang ang laging hawak noon ni Ate Guy, at kamukat-mukat mo’ng may ipinagmamalaki na siyang tisay na magandang sanggol noon, at si Balot nga. Nagbigay pala kaagad si Ate Guy ng paramdam kay Lotlot na hindi siya nanggaling sa kanyang sinapupunan.

Hindi nagpapakaperpektong tao si Ate Guy, pero sa totoo lang, na-kabibilib dahil lumaki sina Lotlot at Ian de Leon na mababait na mga anak. Nu’ng wala pa si Ate Guy sa Pilipinas ay silang dalawa ‘yung nakakasalo ng mga intrigang ipinupukol sa kanilang Mommy. Maraming tao sa showbiz  ang nagpasama sa pangalan ni Nora, pero naroon lang si Ian para ipagtanggol ang kanyang Mommy sa abot ng kanyang masasabi, habang si Balot naman ay umiiyak na lang kapag hindi niya kinakaya ang mga sitwasyon. Ang dami na ring dinaanang pagtitiis ni Lotlot sa buhay, kaya siguro good karma ang dumara-ting sa kanya ngayon.

ChorBA!
by Melchor Bautista

ADVERTISING