Kylie Verzosa on love learnings: ‘Siguro may mga pagmamahal na wala sa tamang panahon’

Leo Bukas

PABIRONG sinagot ni Kylie Verzosa ang tanong sa kanya ng press sa presscon ng Ikaw Lang Ang Mahal ng Vivamax kung kumusta na ba ang lagay ng kanyang puso ngayon. Matatandaang inamin na ni Jake Cuenca na hiwalay na sila ng former beauty queen kahit wala pang pagkumpirma dito si Kylie.

Kumusta na nga ba ang status o ang lagay ng puso ni Kylie ngayon?

Kylie Verzosa on love learnings: ‘Siguro may mga pagmamahal na wala sa tamang panahon’
Kylie Verzosa

“Ako po I’m getting better everyday,” sagot ni Kylie na sinundan ng isang makahulugang tawa.

“Yung totoo, I’m getting better everyday, lumalakas everyday kasi alam mo naman yon nag-e-exercise tayo. Mahilig kasi akong mag-exercise kaya mas lumalakas ang puso ko,” pabiro pang pahayag ng Ikaw Lang Ang Mahal lead star.

May nagsabi na ba sa kanya ng “ikaw lang ang mahal” pagkatapos ng kanyang “failed relationship” with his former Los Bastardos co-actor?

“Hindi ko po naintindihan yung tanong,” paiwas niyang sagot na sinundan din naman niya kaagad ng, “Hindi ko po talaga siya matatawag na failed relationship.”

Hirit pang tanong sa kapareha ni Zanjoe Marudo: Eh di ba nag-break na kayo? Kayo pa rin?

Saglit na natigilan si Kylie at hindi na niya sinagot ang tanong.

Segue na tanong ng reporter: Naniniwala ka bang mahal ang magmahal?

“Importante po ang magmahal. Hindi ko siya kinokonsider na gastos kasi mahal ko yung tao,” tugon ni Kylie dito.

Para maikonek sa title ng pelikula ay tinanong din si Kylie kung kanino ba niya unang sinabi ang “ikaw lang ang mahal.”

“Una kong sinabihan romantically, siguro nung ako, mga padulo na ng college ko, yung una ko pong boyfriend. Siya yung sinabihan ko ng ikaw lang yung mahal ko,” sambit niya.

Eh, ngayon kanino niya ito sinasabi?

“Ang sarili ko — siguro ikaw lang ang mahal ko! Kailangan mo kasi… Oo, sinabihan ko ang sarili ko na ikaw lang ang mahal ko…” sabi ulit ng former Miss International.

Nagbigay din ng pahayag si Kylie kung ano ang natutunan niya sa karakter na ginagampanan niya sa movie na mapapanood sa Vivamax sa Mayo.

“Ang natutunan ko po kay Lira, siguro may mga pagmamahal na wala sa tamang panahon. Siguro puwede mong mahalin ang isang tao pero mali ang… you know, the right love at the wrong place and wrong time,” deklara ni Kylie.