Krista Ranillo, naipako na sa krus! – Eddie Littlefield

Krista Ranillo, naipako na sa krus! - Eddie LittlefieldKrista Ranillo, naipako na sa krus! - Eddie LittlefieldHANGGANG NGAYON PATULOY pa ring pinag-uusapan ang diumano’y relasyong Krista Ranillo at Manny Pacquiao. Hindi pa rin mamatay-matay ang issue tungkol sa dalawa. Pilit pa ring kinakalkal ang diumano ugnayan nila habang ginagawa ang pelikulang Wapakman na super-flop sa takilya. Hindi man lang naka-one million sa first day showing nito kaya ilang araw pa lang ay tinanggal na ito sa mga sinehan. Nagpipilit kasing maging artista, hindi naman kumikita ang kanyang mga pelikula.

Agaw-eksena naman si Jinkee Pacquiao, nag-iiyak habang nakatutok ang kamera sa kanilang dalawa ni Manny after the fight. Nagpapa-underdog, parang aping-api sa ginawa ng asawa sa mata ng publiko. Hindi pa naman malinaw kung totoo o hindi ang tsismis.

Tuloy, naging instant celebrity si Jinkee dahil sa Krista-Pacman issue. Cover ng iba’t ibang glossy magazines, pictorial kabila’t kanan at interview about Krista. Aminin man o hindi ni Jinkee, malaki ang naitulong sa kanya ng pagkaka-link ni Krista sa kanyang asawa para maging cover siya ng magazines.

May tsika nga, kada damit raw na ginagamit ni Jinkee sa pictorial, cash na binibili nito sa designers. Hindi rin daw ito lumalabas ng bahay kung hindi naka-make-up at suot ang mamahalin niyang signature. Obserbasyon nga ng nakararami, feel na feel niya ngayong pinagkakaguluhan siya ng media – feeling celebrity, ‘ika nga.

Hindi pa man napatutunayang nagkaroon nga diumano ng kaugnayan si Krista kay Manny, ipinako na agad sa krus ang anak ni Mat Ranillo III. Dinurog ng malisyosong balita ang buong pagkatao ng dalaga sa pagkakaugnay nito sa

boxing superstar. Pati pamilya ng actress ay hinusgahan, binato ng masasakit na salita.

Wala pa namang nagpapatotoo na tunay ngang nagkaroon diumano ng relasyon sina Krista at Manny. Puros haka-haka, malisyosong balita, makakating-dila na pilit na sinisira ang pagkababae ng magaling na actress. Wala tayong karapatang humusga ng kapwa, sino ang walang bahid dungis?

PAULIT-ULIT NA LANG ang ginagawang panghihiya ni Willie Revillame sa kanyang mga staff sa Wowowee. Maging ang ilang contestant sa kanyang show ay binabara-bara niya na para bang walang respeto sa kapwa-tao. Puwede naman niyang pagsabihin ang mga ito ‘pag commercial break, ‘di ba?

Tantanan na rin ni Willie ang kakakanta araw-araw ng kanyang mga awitin na hindi naman nakaaaliw sa publiko. Oo nga’t may ilang awitin siyang pinasikat pero hindi ibig sabihin lahat ng kinakanta niya ay swak sa panonood. Malayo na nga ang kanyang narating kaya naman pumasok na sa ulo niya ang kasikatan at kayabangan.

Hataw ngayon sa ratings ang Showtime nina Anne Curtis at Vhong Navarro na talaga namang nakaaaliw. Mula sa mga judges, emcee at contestant super aliw kami sa panonood. Buong Pilipinas nakatutok sa nasabing show. Hindi ba’t inilampaso ng Showtime sa ratings ang Sis ng GMA-7 kaya tikbak na ito sa ere?

Bulung-bulungan ngayon na ang Showtime ang gustong ipalit ng ABS-CBN sa Wowowee ni Willie. Well, kung totoo ang tsikang ito, marami ang matutuwa sa balitang ito. Sa totoo lang, hindi magaling na host si Willie. Kung walang datung na ipinamumudmod sa mahihirap ang singer/host, anong dahilan para tangkilikin ang noontime show ng masang Pilipino?

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield