Kris Aquino, sobrang nakauumay?!

ADVERTISING

Kris Aquino, sobrang nakauumay?! Kris Aquino, sobrang nakauumay?! NAGKATOTOO NGA ANG hula, na bilang host ng programang Pilipinas Win Na Win! ay hindi magtatagal d’yan si Kris Aquino, dahil kung hindi niya maiaangat ang bagsak na rating nito, siya mismo ang kusang aalis.

Hayan na nga, dahil ang isasalang na mga bagong hosts sa iniwanan niyang show ay sina Rico J. Puno, Nonoy Zuñiga, Rey Valera at Marco Sison.  Magiging busy na raw kasi sa kanyang bagong pelikula ang mommy ni Baby James Yap, at ang susunod niyang magiging game show ay ang Deal Or No Deal na pinasikat niya noon.

Parang dumaraan ngayon si Kris sa butas ng karayom. Sikat na sikat pa rin siyang pigura sa showbiz. Pero kumbaga sa pagkain, siya ay isang uri ngayon ng putahe na laging nasa hapag, kaya nakauumay na siya. Wala siyang pahinga sa pagkakaroon ng isyu na naglalagay sa kanya sa alanganing sitwasyon ngayon. Nakauumay na ang walang katapusang isyu tungkol sa paghihiwalay nila ni James Yap, at nanganganak pa ng kung anu-anong intriga ang tungkol sa dati nilang pagsasama na dapat sana’y nakasarado na, dahil may anak nga sila. Nawawalan ng simpatiya sa kanya ang publiko.

Patok si Kris kapag gumawa ng horror movie. Bongga rin siyang mag-host ng sariling game show. Pero dahil hindi siya bumagay mag-host ng PWNW, hindi iyon kinagat ng masa, sa totoo lang. Masusubukan kung papatok ang bagong movie niya, ganu’n din ang kanyang bagong game show. Kapag tinangkilik iyon ng publiko, ibig sabihin ay hindi na siya Negastar sa paningin ng mga taong nauumay na sa kanya.

Kung hindi kinagat si Kris bilang host ng PWNW, at gusto niyang balikan ang pagho-host sa The Buzz, wala naman sigurong masama. Madaldal naman kasi siyang talaga, at doon siya nababagay.

ADVERTISING

Napakagaling na host ni Kuya Boy Abunda, at magaling man ang mga bago niyang co-hosts na sina KC Concepcion, Toni Gonzaga at Charlene Gonzales ay parang may kulang sa galing at istilo ng tatlo niyang kasama.

Ang kulang na iyon ay si Kris Aquino lang ang may kaya, at siya lang ang kasukat ni Abunda.

FRIENDLY LANG TALAGA si Derek Ramsay, kaya nabibigyan ng kakaibang kulay at malisya kapag bukod sa kanyang girlfriend na si Angelica Panganiban, makikita mo siyang may ibang kausap na magagandang babae. Kahit kasi anak-mayaman ang guwapong aktor, hindi siya ‘yung tipong namimili at natatakot makipag-usap sa maraming tao sa kanyang paligid.

Una kasi sa lahat, tuwang-tuwa siya, na kahit may edad na siya ay sumikat pa siya nang mag-showbiz siya.

Dahil hindi nga isnabero si Derek, kaya kapag naglalakad siyang mag-isa ay pinapansin niya lahat nang lumalapit, bumabati at kumakausap sa kanya. Animal ang sex appeal niya bilang lalaki, kaya naman maraming babae ang lumalapit sa kanya. Matalas ang pakiramdam niya, dahil kahit mukhang sosyal at maganda ang mga babae, alam niya kung ang mga lumalapit sa kanya ay mga fans lang na gustong magpapansin. Hindi rin siya mayabang kahit harap-harapan siyang pinupuri ng kababaihang artista na gusto siyang makapareha, dahil humahanga sa kanya.

Malihim din naman si Derek sa kanyang mga naunang pakikipagrelasyon. Pero sa ngayon, si Angelica talaga ang nagpapasaya sa kanya. Napakalalim na ng kanilang relasyon, kaya may prediction nga na magkakabiglaan sila sa kanilang pagpapakasal. May tsikang parang pinopormahan din daw nang palihim ni Derek si Erich Gonzales. Ano ‘yon? Sa panahong ito, na lagi silang magkasama ni Angelica? Kung sabagay, sina Derek at Erich ay magkasama sa teleseryeng Magkaribal ng ABS-CBN.

ChorBA!
by Melchor Bautista

ADVERTISING