Kris Aquino, ibinida ang sikreto kung bakit blooming

Kris Aquino, ibinida ang sikreto kung bakit blooming

2 Kris-AquinoNANG MALAMAN ni Kris Aquino sinabi ni Coco Martin sa presscon nito ng Juan dela Cruz na gusto siyang makasama sa isang horror film agad nitong tinawagan si Chito Roño at pakiusapan na gawin ang sequel ng Feng Shui. Excited naman ang director na mai-direk ang award-winning actor kaya’t na-inspire si Direk Chito na gawin ang part 2.

Binuking ni Kris na hindi pa sila tapos gawin ang Feng Shui dahil binusising mabuti ni Direk Chito ang ilang eksena sa part 1 na gagamitin sa part 2. May mga additional scene pa silang kukunan kaya hindi umabot sa deadline ang kanilang pelikula para sa nalalapit na Metro Manila Film Festival this December 25. Okay lang, magbabayad sila ng penalty sa ikagaganda naman daw ng kanilang horror film.

Sa presscon ng Feng Shui, taos-pusong nagpasalamat si Kristeta kina Judy Ann Santos at Alfie Lorenzo dahil una palang inalok kay Juday ang nasabing horror project, pero tinanggihan ito ni Tito Alfie. Nang dahil sa big success ng movie, tinanghal na “Queen of Horror” si Kris Aquino magpahanggang ngayon.

Ayon kay Direk Chito, “This is not the first time to do sequel. Ilang beses na akong inoperan na gawin ko ‘yung sequel ng horror movie ko. Tumawag sa akin si Kris about the Feng Shui na gawin na namin. Sa totoo lang, ayaw ko na sanang gawin, 10 years na ang lumipas kaya marami nang pagbabago. So, nagdesisyon akong gawin na nga ito.”

Ikinuwento ni Direk Chito kung papaano nabuo ang istorya ng Feng Shui. 2004 nang mamatay ang parents niya, sobra siyang depress. Gusto niyang mapag-isa, ayaw niyang magtrabaho, nag-disappear, nawala sa sirkulasyon. Inaliw ang sarili para makalimot, out of town, pasyal sa iba’t ibang lugar. Nang ready na ito at naka-move-on na saka niya binuo at isinulat ang Feng Shui. Sa bawa’t horror films na ginagawa ni Direk Chito, based sa true story or na-experience niya. Bukod dito, kailangan pang i-research kung totoo o kathang-isip lamang ang mga pangyayari.

Puring-puri nina Kris at Direk Chito si Coco as an actor. Napaka-professional raw nito. Palaging on time sa set, walang ere sa katawan at napaka-humble. Say ng Queen of All Media, “As an actor, his the best. Sobrang galing niya. Egoless, ganu’n siya kahusay.”

Turan naman ni Direk Chito, “Bago sa akin may lalaki sa horror film ko. First time ito dahil puro babae ang bida sa mga horror films ko. Pero I was surprise, mas mataas pa sa expectation ko ang binigay ni Coco sa pelikulang ito. Alam ko kung gaano siya kagaling dahil napanood ko ang kanyang mga pelikula. Magaling siyang talaga, his really an actor, more from the heart, mararamdaman mo naman ‘yun. Pinag-aralan niyang mabuti ‘yung character na ipo-portray niya at nagawa naman niya. Nakita ko si Coco kung papaano siya magtrabaho. It was a challenge for us to do a movie with Coco. I’m willing to work with him in the near future.”

Sabi nga ni Coco, “Ang mahirap sa horror, you have to believe para maging effective ‘yung role na ginagampanan mo. Nu’ng first shooting namin, nag-o-observe ako sa set. Ako ang nag-adjust, hindi ako nagbabasa ng script sa set. On the spot ako nagbabasa ng script. Pinag-aaralan ko ‘yung character ni Kris, Cherry Pie at iba pang nasa cast. Nahihiya ako kapag nand’yan si Kris. Hindi ko alam kung papaano siya i-approach. Nahihiya man ako sa kanya, ako na ang lumalapit, small talk. Maganda ang samahan namin. Kapag hindi kami kinukunan, nagkukuwentuhan lang kami ni Kris. Si Direk Chito naman, first time ko siyang makakatrabaho, takot nga ako sa kanya dahil alam kong magaling siyang director.”

Naniniwala ba si Coco Martin sa Feng Shui? “Ako, ang paniwala ko, tao ang gumagawa ng suwerte. Kailangang pagtrabahuhan mo ito para matupad mo ang iyong mga pangarap. Pinaghihirapan para maabot mo ang gusto mo sa buhay.”

Para kay Kris, pagdating sa kanyang personal life, hindi siya naniniwala. Pero pagdating sa negosyo, malaki ang paniniwala niya sa Feng Shui. Ipinagdarasal niya kay Mama Mary na kumita sa takilya ang Feng Shui dahil co-producer rin sina Coco at Direk Chito ng K Production ni Kristeta. “Ayaw kong mapahiya kina Direk Chito at Coco dahil ako ang nag-convince sa kanilang maging partner ko sa production. Dinasal ko na maging doble ang kita ng movie namin, happy na ako,” tsika ng TV host-actress.

Palibhasa maganda ang aura ni Kris that day and she looks young. Tuloy, marami ang nakapansing blooming ngayon ang beauty ng Queen of Horror. Secret? “8 hours sleep, second, I don’t smoke, I don’t drink, hindi ako mahilig mag-party. Fresh juices everyday, green apple, carrot and 10 bottles of water a day,” aniya.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield