Kris Aquino, dapat nang rendahan ang sobrang kadaldalan!

HINDI NAMAN KASALANAN ni Derek Ramsay kung siya ang tipo ng tao na walang gustong maging kaaway at wala ring gustong maging gusot sa buhay. Hindi siya mahilig makisawsaw sa mga intriga, dahil hindi siya ganu’n pinalaki ng kanyang mga magulang. Lahat ay gusto niyang mapakisamahan. Pero hayan nga ang nangyayari ngayon, dahil pinagbibintangan pa siya na pinagtatakpan lang diumano niya ang mga tunay na kaganapan sa pagitan ng hidwaan nina Angelica Panganiban at Claudine Barretto.

Namumulaklak daw kasi lagi sa mga pananalita ni Derek ang mga salitang “Okey naman” at “Sana maging okey na nga ang lahat” samantalang kapag alinman kina Claudine at Angelica ang hinihingan ng pahayag tungkol sa mga bagong kaganapan sa kontrobersiyang isyu na nangyari sa kanila, mahahalata mong naroon pa rin ang hindi nila maitagong pagkainis sa naging hidwaan nila. Mabuti pa nga raw si Raymart Santiago, dahil ngayong napupuno na sa nasabing kontrobersiya, tinawag nga niyang mga demonyo ang nang-iintriga sa kanilang mag-asawa.

Cool lang talaga si Derek. Ganyan na siya nu’ng magsimula siya sa showbiz, at pinaninindigan pa rin niya na kahit sikat na sikat na siya ngayon, wala pa ring magbabago sa kanyang ugali. Magaling siyang magtimpi, dahil nakokontrol niya ang kanyang sarili tungkol sa galit. Iyon ang isa sa napakaganda niyang mga katangian, na nagustuhan at hinahangaan sa kanya ni Angelica.

DAPAT KONTROLIN NG Star Cinema ang kadaldalan ni Kris Aquino habang nariyan at ipinangangalandakan na nila, na napakaganda ng kanilang horror movie, ang Dalaw na pinagbibidahan din ni Diether Ocampo. Hanggang ngayon naman kasi, hindi pa rin naaaliw ang publiko sa isyu ng personal na buhay ng magaling na TV host, lalo na ‘yang isyu pa rin ng hiwalayan nila ng kanyang dating husband na si James Yap. Ngayon naman, pati abogado ni Yap ay nakakapatutsadahan na rin ni Tetay. Ano ba ‘yan?

Ang pagkainis ng publiko kay Kris ay napatunayan na sa pagho-host niya ng Pilipinas Win Na Win ng ABS-CBN, na habang siya ang nakaposte roon, hindi niya napag-rate ang nasabing programa. Mabuti na lang ngayon at nang mawala si Tetay sa PWNW at ang naroon na ay sina Rico Puno, Rey Valera, Marco Sison at Nonoy Zuniga, naaaliw na ulit ang mga tao, kaya marami na talaga ang tumututok sa ngayon.

Kung totoo si Kris sa kanyang sarili nang sabihin niyang na gusto niyang ma-miss siya ng mga tao, pasimulan na niya ngayon. Tama na muna ‘yang pagpapainterbyu niya na mayroong patutsada sa ibang tao. Napakayabang kasi ng dating niya, na parang akala mo’y laging siya ang magaling at siya ang tama. Baka kasi maapektuhan sa takilya ang maganda niyang pelikula. Patok lagi si Tetay kapag gumawa ng horror movies, kaya abangan natin kung sa kabila ng kanyang mga kanegahan ngayon, papatok pa rin ang bago niyang pelikula.

NOONG NAKARAANG SUNDAY, nag-guest kami sa Paparazzi ng TV5. Pagdating ni Tita Annabelle Rama bago siya interbyuhin, namataan niya ang siguro’y mga sampung manunulat na nasa studio. Bago umere ang programa, sabi ni Rama sa mga press na naroon: “Bakit wala kayo sa birthday party ko?” Walang nakasagot sa kanyang mga tinanong.  Kung sasagot kasi kaming lahat, baka ganito ang isagot namin: “Bakit kami pupunta, eh, wala namang nang-iimbita?”

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleHayden Kho, nambastos ng female host sa NU Rock Awards?!
Next articleSam Milby: Zero ang lovelife, blooming ang career

No posts to display