Kiray Celis, Joyce Ching, Ashley Ortega, Anna Vicente at Dave Bornea mananakot sa ‘Regal Studio Presents: The Truth About Jane’

KAHIT BAGO pa lang sa weekend lineup ng GMA-7 ang ‘Regal Studio Presents‘, hindi ito nagpahuli sa kanilang Halloween paandar!

Ang horror-comedy na sinulat at dinirek ni Easy Ferrer na ‘The Truth About Jane‘ ang Halloween offering ng telemovie antholology show. Bida rito ang Kapuso stars na sina Kiray Celis, Joyce Ching, Ashley Ortega, Anna Vicente at Dave Bornea.

Kiray Celis, Joyce Ching, Ashley Ortega, Anna Vicente at Dave Bornea mananakot sa 'Regal Studio Presents: The Truth About Jane'
The Truth About Jane stars Dave Bornea, Anna Vicente, Ashley Ortega, Kiray Celis and Joyce Ching

Kuwento ito ng tatlong magkakaibigan na sina Paula (Kiray Celis), Marcia (Ashley Ortega) at Iris (Anna Vicente) na matagal nang hindi nagkikita. Yayayain ni Marcia ang mga kaibigan sa kanilang ancestral house at doon ay may nala-Maritess na white lady named Jane (Joyce Ching). Ano kaya ang kinalaman ng white lady na ito sa pagkakaibigan ng tatlong babae?

“This is a story about friendship. This is very timely for the pandemic. You always have to check on your friends. Huwag kang magbu-bully or kahit anong bad na gawin sa kaibigan kasi hindi mo nga alam what they are going through. It’s very important to love and check on your friends always,” sambit ni Anna Vicente sa isang online kamustahan with Kapuso Brigade.

May mensahe rin tungkol sa bullying ang episode na ito.

Joyce Ching shared, “Huwag mang-bully ng ibang tao kasi you’ll never know kung anong pinagdadaanan noong specific person na ‘yun. Hindi mo malalaman kung anong magiging effect noong pambu-bully na ‘yun doon sa particular person na ‘yun,”

Dagdag pa niya, “Revenge will get you nowhere. Kahit sabihin na nating nasaktan ka or kung ano man ang napa-feel sa ‘yo ng ibang tao, hindi makakatulong ‘yung seeking revenge.”

Si Dave Bornea naman ang gaganap na boyfriend ni Kiray Celis. Mukhang dahil sa kanya ay magkakagulo-gulo rin ang magkakaibigan, huh!

Panoorin ang ‘Regal Studio Presents: The Truth About Jane’ ngayong Linggo, 4:35 PM sa GMA.