KC Concepcion, ‘di marunong magtanim ng sama ng loob

KC Concepcion, ‘di marunong magtanim ng sama ng loob

KC-ConcepcionSOBRANG MAALIWALAS ang kagandahan ng mukha ngayon ni KC Concepcion. Alam naman kasi niya sa kanyang sarili, na pagkatapos ng mga hindi kagandahang nangyari sa kanyang lovelife noon at iba pang lungkot sa kanyang buhay ‘tulad na lamang ng pagpanaw ng kanyang Mamita na si Mommy Ellaine Cuneta, positibo at lagi pa ring napakaganda ng tingin niya sa buhay. Happy ang anak ni Sharon Cuneta kapag may mga pumupuri na nakahahawa ang kanyang kasayahan.

Hindi nagpapakaperpekto si KC, dahil hindi ganu’n ang natural niyang ugali. Napakatapang nga lang niya na harapin ang mga alam niyang parte ng kanyang buhay na nangangailangan ng pagsasaayos. Napakabait niyang anak, dahil kahit si Gabby Concepcion mismo na umaamin ng kanyang mahabang taon ng pagkukulang bilang kanyang daddy, wala siyang ipinukol na masamang salita. Bagkus, walang nagawa ang Megastar, nu’ng magdalaga si KC at hinahanap si Gabby sa ibang bansa.

Maraming anak sa showbiz na produkto ng broken family ang kulang na lang ay isumpa at itakwil ang kanilang mga tatay na mayroong pagkukulang sa kanila. Pero si KC, sobrang kakaiba sa kanila. Sa katunayan, humanga at napabuntong-hininga na lang ulit si Sharon nang malaman niya na kinikilala at hinahanap pa ni KC ang mga kapatid niya sa ama, na naging anak ni Gabby sa iba’t ibang babae.

ChorBA!
by Melchor Bautista