Katrina, umani ng simpatiya!

Katrina, umani ng simpatiya!DUMALO KAMI SA isang birthday party nu’ng Linggo nang gabi. Kinabog ng isyu ng mga sex videos ni Dr. Hayden Kho ang lahat ng pinakamaiinit na istorya ngayon kahit sa mundo ng pulitika.

Pahapyaw lang na napagkuwentuhan ang mas makabuluhang balita tungkol sa laganap na swine flu. Kahit ang pagtatampo ni FVR sa ilang personalidad ng Palasyo ay parang hindi gaanong pinag-interesan ng mga nandu’n. Ang naging paksa ng gabi ay ang pagkahabag nila kay Katrina Halili nu’ng biglang mapaiyak ang dalaga sa sobrang habag sa kanyang sarili nu’ng idiin siya ni Dr. Hayden tungkol sa pagpapainom niya ng ipinagbabawal na gamot sa doktor nu’ng magtalik sila nang ilang ulit sa condo unit ng doktor.

Sabi ng isang nandu’n, “Napanood ko ‘yung bigla siyang umiyak, kitang-kita ko sa mukha niya ang kawalan ng laban. Nu’ng lumapit na ang mother niya sa kanya para aluin siya, parang nakakita ako ng dalawang taong bumabangga sa pader.

“Napaiyak ako nu’ng mapanood ko ‘yun. Heto ang mag-inang sumusuntok sa buwan. Hindi nila alam kung ano ang kahahantungan ng ipinaglalaban nila, pero bakit, ang mahihirap ba, e, wala nang karapatang ipaglaban ang kanilang dangal?” Emosyonal na opinyon ng isa naming kausap.

Ganu’n din ang opinyon ng isang lalaking nandu’n. Ang kanyang argumento naman, “Actually, hindi lang naman ‘yung mga babaeng ipinakikita sa mga sex videos ang hindi nirespeto ni Dr. Hayden Kho, e. Ang unang-una niyang hindi nirespeto, si Dra. Vicki Belo.

“Imagine, sinabi ni Lolit Solis na pa-condo pa pala ni Dra. Vicki ang taong ‘yun, may sustento pa monthly, tapos, inutangan pa ng family niya si Dra. Belo nu’ng nagsisimula pa lang ang relasyon nila!

“Sabihin na nating hindi niya naman talaga mahal si Dra. Belo at iba lang ang habol niya du’n sa tao. Naging discreet man lang sana siya sa mga kalokohan niya!

“Huwag sanang sabihin na hindi rin ang kamang ‘yun ang ginagamit nina Dr. Hayden at Dra. Vicki sa kanilang pagla-lovemaking, ‘di ba? Pero the mere fact na ‘yun ding kamang ‘yun ang ginamit nila nu’ng mga babae sa mga sex videos, talagang maghuhuramentado sa galit si Dra. Vicki!

“Duda ko nga, si Dra. Belo ang nagpalabas ng mga sex videos na ‘yun, e! Sobrang sakit siguro ang na-feel niya nu’ng mapanood ang mga sex videos. Kaya ayun, tabla-tabla na lang sila, ang naisip nu’ng babae!” Opinyon ng isa pa naming kaharap.

NAPANSIN NAMAN NG isang nandu’n, pagkatapos tibagin ang mga rebelasyon ni Katrina Halili, si Senador Bong Revilla, Jr. naman ang kinakalampag ngayon ng kampo ng doktor. Ang aktor-pulitiko naman ang inuupakan ngayon ng mga ito para matanggalan ng personalidad at kredibilidad ang senador sa kanyang pinasimulang laban.

“Si Senador Bong Revilla na ang pinepersonal nila ngayon, ano raw ang karapatan ni Senador Bong para talakayin ang issue ng moralidad? Lalaki ‘yung tao, lapitin ng mga babae, pero kahit minsan, wala tayong nabalitaang binastos na babae si Senador Bong.

“Kung issue ng morality ang ididiin nila, halatadong winawasak lang nila ang panghihimasok ni Senador Bong sa issue through his privilege speech. Sila ang walang karapatang gumamit sa issue, dahil talagang immorality ang malinaw na ginawa ni Dr. Hayden Kho!

“Naghuhugas-kamay ba si Senador Bong? Alam naman ng buong showbiz ang pagiging chickboy niya, pero kahit minsan lang ba, e, may babaeng tumayo at nagreklamo na binastos siya ni Senador Bong?

“Pero du’n sila nagkamali, buong bayan ang kakampi ngayon nu’ng tao. Kung kuwento-kuwento lang sana ang mga sex videos at hindi literal na napanood ng mga kababayan natin, baka umepekto pa ang pagbanat nila kay Senador Bong,” mariing katwiran ng isang nasa umpukan.

Biglang tinugtog ang Careless Whisper sa radyo. May tumayong lalaki na medyo namasahe na ang lalamunan ng agua de pataranta. Ginaya nito ang mga kilos ni Dr. Hayden Kho sa video nila ni Katrina Halili.

Naalala naming bigla si Aling Irene Kho dahil ang sabi nito sa kanyang unang interbyu, “Masyado na nilang hinuhusgahan ang anak ko! Pati kanta, iginawa pa nila ang anak ko!”

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin