Katrina, naglalakad nang walang ulo!

ADVERTISING

Katrina, naglalakad nang walang ulo!

MEDYO HULI NA ang reaksiyon, pero totoong ngayon pa lang napapanood ng mga kababayan natin sa Winnipeg, Canada ang “makasaysayang” sex video na pinabibidahan ni Dr. Hayden Kho at nina Katrina Halili, Maricar Reyes at ng Brazilian model.

ADVERTISING

Ramdam namin ang inis ng kaibigang Rey-Ar Reyes, creative consultant ng Pilipino Express News Magazine, nang panoorin nila sa mismong opisina ng pahayagan ang mga sex videos na pinagpipistahan ng buong bayan.

Lalaki sa kapwa lalaki ang nakuha naming reaksiyon. “Grabe pala talaga ang taong ito! Paano kaya niya nasikmurang kunan pa ng video ang mga dapat, e, pribado nilang pagsasama ng mga babae sa video?

“Nakakaawa naman ang mga babae, wala silang kaalam-alam na para na pala silang kinakarne habang nakikipag-lovemaking sila kay Hayden, grabe talaga ang lalaking ‘yun!” Reaksiyon ni Rey-Ar Reyes nang makapalitan namin ng mensahe sa text.

ADVERTISING

Kahit anong panggagamot pa ang gawin ng kinuhang PR group ng kampo ni Dr. Hayden Kho, hindi ganu’n kadaling alisin sa utak ng ating mga kababayan ang kanyang ginawa.

Mga babae ang sangkot dito, mga babaeng walang kalaban-laban. Kaya ispreyan man ngayon ng pinakamahal at pinakamabangong perfume ang buong katawan ng doktor, kakambal pa rin niya ang bantot ng aksiyon na kanyang ginawa.

Nakapagtataka lang na ang gusto pang palabasin ng kampo ni Dr. Hayden ay siya ang naging biktima sa senaryong ito, dahil diumano’y pinilit siyang painumin ni Katrina Halili ng ipinagbabawal na gamot.

Parang gusto nilang baligtarin ang pangyayari. Parang si Dr. Hayden pa ang nasira, dahil nalulong siya sa droga nang dahil kay Katrina.

Minamaniobra nila ang isyu sa ibang anggulo, gusto nilang malihis ‘yun sa tunay na paksa – ang kung sino ang nagbuo ng mga sex video at kung sino ang nagpakalat nu’n sa merkado.

Ang pinakamagandang resultang makukuha nila sa ganito ay ang pansamantalang pag-intindi sa doktor. Pero panandalian lang ‘yun, dahil ang tunay na simpatya ng publiko ay nakahapay pa rin sa mga babaeng tunay na nabiktima sa kaganapang ito.

NAKAUSAP NAMIN ANG ilang taong malapit kay Katrina Halili. Walang ibang aksiyon ang aktres ngayon kundi ang pakikipagkita sa kanyang mga abogado at pakikipag-usap sa mga grupong nakikisimpatya sa kanyang kalagayan ngayon.

Hindi siya lumalabas ng bahay hangga’t maaari. Mga importanteng meeting lang ang kanyang pinupuntahan, dahil aminado naman si Katrina na mula nu’ng lumabas ang sex video nila ni Dr. Hayden Kho, para na siyang naglalakad nang walang ulo.

“Nahihiya na po akong lumabas ng bahay, kapag nakakakita ako ng mga tao, naiisip ko agad na baka napanood na nila ang sex video. Nawala rin po ang mga endorsements ko, mula nu’ng February, wala na akong projects,” pag-amin ng dalaga.

Sa isang umpukan naman ng mga manunulat, lumutang ang magagandang katangian ng dalaga. Nagkanya-kanyang bigay ng mga anekdota ang mga manunulat tungkol kay Katrina.

“Kinuha ko siya nu’ng minsan sa isang provincial show, hindi siya nag-inarte, tinanggap din niya ang maliit lang na budget ng committee, kaya awang-awa ako sa kanya habang pinanonood ko sa Senate hearing.

“Kung maldita lang at malandi at maarte ang babaeng ‘yun, keber ko ba sa nangyari sa kanya? Kaso, ang dami kong naiisip na magaganda niyang nagawa, mabait si Katrina,” rebelasyon ng isang kolumnista.

Aminado si Katrina Halili na isang matinding bangungot ang naganap na ito sa kanyang buhay. Umaasa ang dalagang mabibigyan ng katarungan ang kanyang pagkaapi. Sana’y maparusahan ang dapat managot sa pambabastos sa kanya, para naman ang kanyang bangungot ay maging panaginip man lang.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

ADVERTISING