Katrina Halili, sues Kho with help from Sen. Bong Revilla

Katrina Halili, sues Kho with help from Sen. Bong Revilla

SOBRANG NAGKAGULO SA Senado nu’ng nakaraang Miyerkules nang dumulog si Katrina Halili sa tanggapan ni Sen. Bong Revilla Jr. para humingi ng tulong na mabigyan ng hustisya ang pambababoy na ginawa ni Dr. Hayden Kho sa kanya.

Umiiyak ang seksing aktres nang nakausap ito ni Sen. Bong dahil sobrang apektado raw siya sa kumakalat na sex video nila ni Dr. Hayden.

Awang-awa si Sen. Bong habang humahagulgol nang iyak si Katrina dahil gusto na raw niyang matigil ang ganitong pambababoy na ginagawa ng ilang kalalakihan sa kanilang mga babae.

Sinabihan ni Sen. Bong si Katrina na kung gusto nitong ituloy ang pagsampa ng reklamo laban kay Hayden, dapat tuluy-tuloy ito at walang urungan.

Natatakot lang si Katrina dahil mayaman daw at maimpluwensya ang makakalaban niya, pero in-assure naman siya ni Sen. Bong na wala itong dapat ikatakot. Gusto lang niyang matiyak kay Katrina na kung sisimulan nito, dapat na tapusin niya, at um-oo naman ang seksing aktres.

Ayon sa abogado ni Katrina, hindi lang daw si Hayden ang kakasuhan nila kundi ang tatlo pang kaibigan nito. Isa sa tatlong kaibigan ni Dr. Hayden ay pinagdudahan ni Katrina na siyang nagkalat nitong sex video.

Sinamahan ni Sen. Bong si Katrina sa NBI at ipinakilala ito sa NBI Director na si Atty. Nestor Mantaring. Pinag-aralan nila kung ano ang matibay na kasong isasampa kay Hayden at sa iba pang kaibigan nitong nagkalat ng sex video. Pero kailangan pang sumailalim si Katrina sa psychological test para roon sila magbase sa reklamong ihahain nila.

Umiiyak na nagpapasalamat si Katrina kay Sen. Bong at sa lahat na tumutulong sa kanya at kahit papano ay unti-unti na raw siyang makabangon sa malaking dagok na dumating sa kanya. Gusto lang daw niyang iparating sa mga kababaihan na dapat ay mag-ingat na at huwag na lang basta-bastang pumayag na babuyin ng mga kalalakihan.

Sabi naman ng abugado ni Katrina, ang posibleng ikaso kay Hayden at sa mga kaibigang nagkalat nito ay Anti-Violence Against Women and Children sa ilalim ng Rep. Act 9262.

Pagkatapos sa NBI, tumuloy naman sina Katrina sa Department of Justice at doon na nga inilagay sa watchlist si Dr. Hayden para hindi basta-bastang makatakas sa kasong haharapin niya.

Nag-react na rin ang PMA o Philippine Medical Association sa eskandalong kinasangkutan ni Hayden. Kaya iimbestigahan daw nila ito at kapag nakakuha ng sapat na ebidensya, posibleng matanggalan daw ito ng lisensiya.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag si Hayden, pero dapat na siyang magsalita para maipagtanggol naman niya ang kanyang sarili. Hindi ‘yung si Dra. Vicki Belo lang ang humaharap at nagtatanggol para sa kanya.

Nakausap ko nga si Dra. Belo at nilinaw ko sa kanya na hindi ako galit sa kanya, kundi kay Hayden lang dahil habambuhay na dala-dala ni Katrina ang stigma na ito.

Out si Vicki rito, dahil mabait siyang tao. Itong si Hayden lang ang dapat na parusahan sa kababuyang ginawa niya.

Kaya sabi nga ni Sen. Bong, hindi lang dapat si Katrina ang lumabas para magsampa ng reklamo laban kay Hayden kundi pati na rin ang iba pang mga babaeng ginawan niya ng video at na-eskandalo.

Ini-encourage ni Sen.Bong ang iba pang mga babae na lumabas na para lalong tumibay ang reklamong inihain ni Katrina.

Bukod nga kay Katrina, meron pa itong Brazilian model, at itong si Maricar Reyes na dinig ko, sobrang apektado na ngayon dahil hindi pa yata alam ng magulang niya na may sex video na ito.

Nagkita at nagkausap kami ni Dra. Belo tungkol sa gulong ito. Ikukuwento ko iyan sa inyo sa susunod na isyu.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis