Katrina Halili, natapos na rin ang ‘iskandalo’ kina Hayden Kho at Dra. Vicki Belo

Katrina Halili, natapos na rin ang ‘iskandalo’ kina Hayden Kho at Dra. Vicki Belo

Katrina-HaliliNAKALULUNGKOT DIN naman ang nangyari kay Katrina Halili sa kinalabasan ng naging video scandal nila ni Hayden Kho ilang taon na ang nakalilipas. Iyon ang isa sa pinakamaruming iskandalo sa showbiz na sobrang humaba ang usapin. Ang okey na lang sa dulo nito, ‘yung sa pamamagitan ni Manay Lolit Solis ay nagkaharap-harap na silang tatlo nina Dra. Vicki Belo, para magkausap na kumbaga’y bati-bati na.

Lupasay talaga ang inabot ng career ni Katrina, dahil sa iskandalong iyan. Napakaganda ng takbo ng kanyang career noon, pero sa haba ng nilakbay ng usapin ng iskandalong kinasangkutan niya ay nauwi sa wala ang kasikatang hawak niya noon. Mabuti na lang at kung minsan, nakasasama siya sa mga teleserye ng GMA-7 na nagtitiwala pa rin sa kanya, ‘tulad ngayon na kasama siya sa teleseryeng The Rich Man’s Daughter ni Rhian Ramos.

Nawindang din naman ang career ni Hayden dahil sa iskandalong iyon. Sa kanilang tatlo, tanging si Dra. Vicki lang ang puwedeng magtaas ng noo sa mga pangyayari. Nasaktan man siya, dahil para siyang nag-alaga ng mga ahas na tumuklaw sa kanyang mga kamay, ay siya pa rin talaga ang panalo. Marami ang gustong magpabagsak sa kanyang negosyo at siniraan siya sa panahon ng nahihirapan siya sa iskandalo nina Katrina at Hayden. Pero walang nakapagpabagsak sa kanya, bagkus ay lalong umunlad ang kanyang negosyo.

ChorBA!
by Melchor Bautista