Katrina Halili, gusto pa ring makulong si Hayden Kho!- Alex Brosas

Katrina Halili, gusto pa ring makulong si Hayden Kho!- Alex Brosas

Katrina Halili, gusto pa ring makulong si Hayden Kho!- Alex BrosasTALAGA PALANG GUSTONG makulong ni Katrina Halili si Dr. Hayden Kho.

Determinado ang aktres na i-pursue ang kaso laban kay Hayden na kamakailan lang ay tinanggalan na ng lisensiya ng Philippine Regulation Commission.

“Hindi po ako bibitiw sa kaso,” sabi ni Katrina na gumaganap na Serpina sa Book 2 ng Darna.

“Gusto ko pong makulong siya. Una, malaman niya na nagkasala siya. Tanggapin niya sa sarili niya na mali siya. Pangalawa, mawalan siya ng lisensiya. Pangatlo, makulong po siya,” pahayag ng dalaga na halatang may matindi pa ring galit kay Hayden dahil sa kahihiyang kanyang tinamo dulot ng sex video nilang dalawa.

Nakahanda naman si Katrina na patawarin si Hayden sa isang kondisyon.

“Patatawarin po pero kailangan tanggapin niya po muna ang lahat ng pagkakasala niya.”

Ang kaso, si Hayden daw, mukhang hindi tanggap na nagkasala siya kay Katrina.

“Hindi niya po alam? Siguro po mangmang siya. Siguro po basahin niya po ang Yes magazine interview niya na nasabi niya na noon pa man gumagawa na siya ng sex video, ‘di ba, nag-aaral pa lang siya noon? Huwag niya po akong ituro. Mangmang siya. Mangmang o nagmamaang-maangan!”

Sabi pa ng dalaga, hindi siya manahimik para na rin sa kapakanan ng iba pang nabiktima ni Hayden.

“Ayoko pong hindi magsalita, kasi ayoko na po itong maulit. Hindi naman po ako lumalaban para sa sarili ko. Lumalaban ako para sa iba pang nabiktima niya at bibiktimahin pa niya. Para hindi na po ito maulit. Para madala na rin ang mga taong gumawa ng ganito, kaya ako na lang ang humarap.”

Noong una pala, ayaw ni Katrina na tanggapin ang role na Valentina sa Darna. “Kasi, sobrang fresh na fresh pa ang issue noon. “Kaya ko nang paghiwalayin ang personal na buhay ko sa ngayon. Kasi before, noong tinanong ninyo ako, sobrang fresh pa ang issue,” she explained.

Noong kasagsagan kasi ng sex video scandal nila ni Hayden ay tinawag na “ahas” si Katrina dahil inahas nito ang dyowa ni Dra. Vicki Belo.

WALA SA MUKHA ng bagets na aktor na ito na may masama siyang bisyo. Mala-anghel kasi ang kanyang kainosentihan at parang siya ang tipo na hindi gagawa ng isang bagay na maaaring makasira sa kanya.

Pero, sa likod ng mala-anghel na mukha ng bagets ay naroon ang kanyang kakaibang bisyo. Mahilig siyang mag-marijuana.

Kahit saan daw ay may bitbit na marijuana ang young actor. Maging sa taping or sa shooting ay may dala siya nito. Kadalasan, hindi lang siya kundi pati ang ilan niyang kabigang aktor ang nagdya-jamming or nagpa-pot session.

Sa shooting nga ng kanyang latest movie, hindi pinaligtas ng aktor ang pagkakataon na sundin ang kanyang bisyo. Wala raw pakialam ang aktor na nagkukulong sa kanyang van kapag break para humithit ng marijuana.

Ang dalawang kasamang young actor ang nagturo raw sa bagets na humithit ng marijuana.

Aware kaya ang young actress-girlfriend ng aktor na may bisyo ang dyowa niya? Hindi kaya magkahiwalay sila uli kapag nalaman niya ito?

Lex Chika
by Alex Valentine Brosas