Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, ‘di magpaghiwalay dahil sa kakaibang chemistry

Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, ‘di magpaghiwalay dahil sa kakaibang chemistry

Kathryn-Bernardo-Daniel-PadillaNASA HIGHEST level na ang blockbuster tandem nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa balik-tambalan nila sa pinakabagong handog ng Star Cinema, ang Crazy Beautiful You with Ms. Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, and Iñigo Pascual sa direksyon ni Mae Cruz-Alviar na siya rin nag-direk ng box-office hits na Bride For Rent at Starting Over Again. This time, pakikiligin niya ang mga fans ng Teen King and Queen ng local cinema sa bago nilang pelikula.

Ayon nga kay Direk Mae, sina Daniel at Kathryn na ngayon ang King and Queen of Hearts dahil sa intensity ng kanilang tandem. Malakas ang dating nila sa publiko at kinagigiliwan ng mga fans ang pelikula nila pati na rin ang ang kanilang teleserye sa Kapamilya network. Tunay na patok na patok sa viewing public ang kanilang tambalan. Kaya nga hindi mapaghiwalay ang dalawa dahil sa kakaiba nilang chemistry.

Sa trailer nga ng CBY, kikiligin ka sa mga romantic adventure nina Daniel at Kathryn, nakuha ni Direk Mae ang kiliti ng dalawa kaya naging natural ang bawat eksena. Pati nga dialogue, swak na swak sa kanila tuwing magkaeksena. Totoo ngang relax na sila sa isa’t isa, bigay na bigay. Hindi nahirapan ang box-office director i-direk sina Daniel at Kath dahil magaling sila pareho at nabigyan ng justice ang bawat role na ginagampanan nila bilang sina Jackie at Kiko.

Iikot ang istorya kung papaano magtatagpo sina Jackie (Kathryn) at Kiko (Daniel). Sa kanilang pagsasama sa isang medical mission sa Mt. Pinatubo sa Tarlac, hindi inaasahang mauuwi sa isang crazy romantic adventure na magbabago sa kanilang mga buhay.

Maging si Lorna Tolentino ay pawang papuri ang sinasabi sa KathNiel. “Sina Daniel at Kath ay nag-donate sila sa mga bata for a medical mission galing sa kanila. Ang nakakatuwa sa kanilang dalawa, magaling sila, pati sa pagkanta. Package ang pagiging artista nila, may karisma pareho at may chemistry na hindi mo puwedeng i-deny, nandu’n ‘yun. Maging ako ay kinikilig nang mapanood ko sila nu’ng mag-dubbing ako. Kitang-kita mong ‘yung appeal nila sa manonood.”

Kahit may mutual understanding na sina Daniel at Kathryn, hindi sila vocal sa kanilang relationship. Ini-enjoy lang daw nila ang relationship na mayroon sila. Hindi raw nila priority ang personal feeling na nararamdaman nila sa isa’t isa. “Focus po muna tayo sa trabaho, darating din tayo d’yan sa takdang panahon. Gusto ko munang mag-concentrate sa trabaho, ganu’n din si Kath. Pareho kaming marami pang gustong gawin at pangarap para sa pamilya namin.

Crazy in love ba si Daniel kay Kathryn? Nag-isip muna ang young actor bago sumagot. Excited kaming marinig ang sasabihin niya. “Nahihiya naman ako, nahihiya ako. Hindi nawawala ‘yun… Oo na, sige na… lalo siyang paganda nang paganda, totoo ‘yan.”

Kapansin-pansin din ang pagtaba ni Daniel na bumagay naman sa kanyang personality. “Hindi ako tumaba, lumaki lang ang katawan ko. Nagwo-workout kasi ako ngayon. Pinatataba nila ako, sumobra naman, mukha kasi akong butiki noon,” paliwanag ng binata.

Say naman ni Kathryn, “Sobra siyang kumain, gusto niya, kain nang kain. Magana kasing kumain si Daniel. Minsan nga, pinipigilan na namin isya.” Siyempre, hindi man aminin ng dalaga, natutuwa siyang maganda na ngayon ang katawan ng binata.

Napag-usapin din kung anong Valentine gift ang ibinigay ni Daniel kay Kathryn. “Kahit naman hindi Valentine’s Day, binibigyan ko siya ng regalo. Siyempre may special gift siya sa akin kahit late ko na maibibigay ang pang-Valentine’s gift ko sa kanya. Wala kasing time para bumili ng gift, alam naman niya ‘yun,” turan ni Daniel.

Pagkain naman ang madalas ibigay ni Kathryn kay Daniel dahil nga mahilig itong kumain. Pinagdadalhan pa niya ito ng paborito nitong food sa set. “Lately, ganu’n nga ang ibinibigay ko sa kanya at ini-enjoy naman niya. Tulad ng sinabi ni Daniel, walang time para bumili ng gift dahil palagi kaming nagsi-shooting. Ang importante, ibinibigay niya ‘yung oras niya. ‘Yung ibibigay ko sa kanya ‘yung gusto niya. Sinasabi naman namin sa isa’t isa kung ano ‘yung gusto namin,” wika naman ni Kathryn.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield