Judy Ann Santos, priority ang pamilya kaya ayaw rumatsada sa proyekto

Judy Ann Santos, priority ang pamilya kaya ayaw rumatsada sa proyekto

Judy-Ann-SantosNITONG NAGDAANG panahon ng pagsasaya dahil sa Kapaskuhan, dalawang ulit naming nakaharap si Judy Ann Santos. Marami sa mga kasamahan sa panulat ang nakapapansin na kakaiba raw ang aliwalas ng mukha ngayon ng bunsong anak ni Mommy Carol Santos. Totoo naman iyon, dahil napakaraming suwerteng dumating sa buhay ng young superstar. Una na siyempre d’yan ay malaking parte ng buhay ng aktres ay napasaya talaga ng kanyang husband na si Ryan Agoncillo.

Kahit nasa showbiz na kasi si Ryan, dahil nakalikha na rin naman siya ng kanyang kasikatan, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya showbiz sa pag-uugali. Napakasaya ng loob ng bahay nilang mag-asawa ni Juday kasama ang kanilang mga anak na sina Yohan at Baby Lucho. Kapag sila-sila na ang magkakasama, ayaw talaga nila ng ingay-showbiz. Si Ryan din ang nagpalakas ng loob ni Juday para sumabak mag-host, kaya umaariba na ngayon si Juday mag-host ng kanyang mga programa sa ABS-CBN, ‘tulad ng Bet On Your Baby na nakaaaliw.

Hindi muna ratsada ngayon si Juday sa paggawa ng pelikula, dahil choice naman niya iyon. Priority niya talaga ang kanyang pamilya. Pero kapag tumatanggap siya ng maraming proyekto, ganu’n din si Ryan, ay napakasuwerte nilang pareho, dahil ang partido ni Ryan ay mahilig mag-alaga ng mga bata, kaya naroon lang sila para alagaan sina Yohan at Baby Lucho. Eh, dakilang lola rin si Mommy Carol na walang kapaguran mag-alaga ng mga apo, kaya tiwala sina Juday at Ryan na kapag sabay silang wala sa bahay at nagtatrabaho ay sobrang okey lang ang kanilang mga anak.

ChorBA!
by Melchor Bautista