John Prats, nag-propose kay Isabel Oli sa pamamagitan ng flash mob

ADVERTISING

 alt=

John-Prats-Isabel-OliNASAKSIHAN NG napakaraming tao sa Eastwood City sa Libis, Quezon ang bonggang marriage proposal ni John Prats sa girlfriend na si Isabel Oli noong Miyerkules ng gabi, September 24.

Ayon sa mga report, isang flash mob ang inorganisa ni John para sa nasabing proposal kung saan pati ang management ng lifestyle shopping mall ay kakuntsaba.

Kasama ni Isabel si Camille Prats nang gabing iyon at buong akala umano ni Isabel ay magsi-shopping lang sila ng nakababatang kapatid ni John. Nakiusyoso umano ang dalawa nang makita nilang maraming tao sa gitna ng Eastwood City.

Mayroon palang nagaganap na flash mob kung saan maraming tao ang nagsasayaw. Nagulat na lang daw si Isabel nang lumabas si John at nakisali sa mga nagsasayaw. Pagkatapos, ipinalabas sa isang higanteng video wall ang mensahe ni John para kay isabel, kasunod ang pagpapakawala ng fireworks sa paligid ng mall.

ADVERTISING

Nang matapos ang fireworks display, lumuhod si John sa harap ni Isabel at inilabas ang isang maliit na kahon ng singsing, kasabay ng pagpo-propose niya ng kasal sa girlfriend. Nagsigawan at naghiyawan naman ang lahat ng tao sa paligid na hinihikayat si Isabel na na sagutin ng ‘yes’ si John. Umiiyak namang sinagot ni Isabel si John ng “Yes!”

Saksi naman sa naganap na proposal ang mga kaibigan nilang sina Sam Milby, Angelica Panganiban at Chynna Ortaleza, bukod pa sa naroon din ang kani-kanilang pamilya.

Bumaha rin sa social media ng posts ng mga larawan at video clips ng proposal ni John kay Isabel.

Sa tuwing may interviews kina John at Isabel, hindi nawawala ang tanong tungkol sa marriage proposal. Naging maingay rin ang isyu nitong nakaraang Valentine’s Day nang lumabas ang mga billboard sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at EDSA na may nakasulat na “Olivia, will you marry me?”

Pinag-usapan ang nasabing billboards sa social media, kung saan iniuugnay nila ang “Olivia” na tunay na pangalan ni Isabel at ang proposal na iyon ay mula sa nobyong si John Prats. Para sa netizens, sobrang sweet umano ni John para gawin ang ganu’n kapabulosong proposal sa main thoroughfares ng Metro Manila. Nakatakda rin umanong sagutin ni “Olivia” ang nobyo sa Araw ng mga Puso na siyang birthday ni John.

Pero nadismaya ang publikong sumubaybay sa nasabing proposal nang lumabas na isang pakulo lang pala iyon ng isang real estate company na nagbebenta ng condominiums.

Gayunman, hindi pa rin naman nabigo ang mga sumusubaybay sa love story nina John at Isabel dahil masasabing engrande rin ang naganap na marriage proposal at natuldukan na rin ang madalas na itanong sa dalawa.

Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores

ADVERTISING